Ni Clemen Bautista
MARAMI sa ating mga kababayan ang nabigla at halos hindi makapaniwala sa balitang ibinasura ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DoJ) ang kasong drug trafficking nina Erwin Espinosa at Peter Lim. Ito ay dahil sa mahina umanong ebidensiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang “inconsistencies” o pabagu-bagong pahayag ng witness na si Marcelo Adorco na nalibre sa kaso.
Ang pagbasura sa kaso nina Espinosa at Lim ay umani ng iba’t ibang reaksiyon. May mga nagsabi na isa itong sampal at dagok sa kampanya laban sa ilegal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Libu-libong drug pusher at user na ang tumimbuwang sa mga police operation ng Philippine National Police (PNP).
Binatikos din ng ilang senador ang pagbasura sa kaso. May nagsabing ito ay babala na maaaring maapektuhan ang giyera kontra droga. May nagsabi naman na maaaring baligtarin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagbasura. Nagtataka naman si Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee. Ayon kay Senador Gordon, masyadong matindi ang kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte, ngunit ang mga kaso laban sa mga drug lord ay nadi-dismiss lamang. Ayon naman kay Senador Bam Aquino, ang exoneration ng mga hinihinalang drug lord ay nagdulot ng pagdududa sa anti-drug war ng administrasyong Duterte. Ang katarungan ay para lamang sa iilan at hindi sa bawat Pilipino. Matinding hampas sa kredibilidad ng gobyerno ang pag-dismiss sa mga kaso, ayon naman kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto.
Ayon naman kay Senador Antonio Trillanes, ito ay pagpapakita na peke ang giyera kontra droga ni Pangulong Duterte.
Ayon pa kay Senador Trillanaes, kung ang tao’y mahirap, wala nang mga tanong at pinapatay agad. Kung ang taong sangkot ay drug lord at kumpare (wedding co-sponsor) ni Pangulong Duterte, may due process at agad inaabsuwelto.
Sa pahayag naman ni Magdalo Rep. Gary Alejano, dahil sa kakulangan ng ebidensiya ay malinaw na ang drug list ng Pangulong Duterte ay walang batayan at hindi kapani-paniwala. Binatikos pa ni Rep. Alejano ang pagka-malabiga (hypocrisy) ng administrasyong Duterte sa giyera kontra droga. Napapawalang-sala ang mga big-time drug lord habang ang mga mahirap at small time drug user ay bigla ang kamatayan.
May nagbiro naman na kaya na-dismiss ang kaso laban sa mga drug lord ay baka may nangyaring maganda at malaking CASHsunduan at magkakanong dahilan?
Nagduda naman si Vice President Leni Robredo kung pagkakatiwalaan pa ng publiko ang DoJ. Ang desisyon ng DoJ panel of prosecutor ay nakakatakot. Ang isa sa kanila ay nagtapat na drug pusher at ang isa naman ay naging saksi pa laban kay Senador Leila de Lima.
Habang umaani ng iba’t ibang reaksiyon, sinabi naman ni Pangulong Duterte na gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan para marepaso ang nasabing desisyon ng National Prosecution Service (NPS) ng DoJ.