Ni Ric Valmonte
INATASAN na ni Pangulong Duterte si Executive Secretary Salvador Medialdea na abisuhan ang United Nations na kinakalas na ng bansa ang ratipikasyon ng Rome Statute, ang tratadong lumikha ng International Criminal Court (ICC). Ginawa ito ng Pangulo pagkatapos ihayag ni ICC Prosecutor Fatou Bensouda na sisimulan na ang preliminary examination ng reklamo laban sa kanya hinggil sa crime against humanity kaugnay ng madugong war on drugs.
“Pinalalabas akong nagkasala na sa mata ng buong daigdig. Pinagtutulungan ako ng mga UN official sa pagpakita na ako ay malupit at walang pusong nilalabag ang karapatang pantao,” sabi niya. Ang pagtatangka ng ICC na sakupin siya, aniya, ay paglabag sa kanyang karapatan sa due process at presumption of innocence.
Ang mga prinsipyong ito na due process at presumption of innocence ay masyadong kinamumuhian ng Pangulo. Galit na galit siya sa mga nagsasabing igalang niya ang mga karapatang ito sa pagpapairal niya ng kanyang war on drugs. Kaya ganoon na lamang kung laitin niya at personal na atakehin si Chairman Chito Gascon ng Comission on Human Rights.
Ito rin ang dahilan kung bakit pinagtutulungan ng kanyang mga kaalyado si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na mapatalsik sa puwesto. Ito kasi ang unang humarang sa pamamaraang ginamit niya sa kanyang pakikidigma laban sa ilegal na droga. Nakatagpo siya ng sumalungat sa kanya sa katauhan ni CJ Sereno nang ang sambayanan ay nahintakutan sa mga walang patlang na pagpatay sa mga umano’y sangkot sa droga at nanlaban nang arestuhin ng pulis.
Ang ginawa lamang nina Gaston at CJ Sereno ay iyong ginagawa ngayon ng Pangulo sa ICC. Kaya lang may kabigatan iyong paalala ni Sereno sa Pangulo. Pagsuway sa kanyang nais mangyari na ang limang hukom na nasa kanyang drug list, tulad ng ginawa niya sa iba pa, kabilang na si Mayor Espinosa ng Alburgue, Leyte na pinatay sa piitan, na mag-report sa Camp Crame para linisin ang kanilang pangalan. Ayon kay Sereno, sinabihan niya sila na huwag silang susuko o isumite ang kanilang sarili kapag walang warrant of arrest. Ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang disiplinahan sila. “Sundin natin ang Rule of Law,” dagdag pa ni Sereno.
Ang kalagayan ng Pangulo sa relasyon niya sa ICC ay masasabing nalagay siya sa katayuan na, “He got the dose of his own medicine.” Iyong mga prinsipyo ng batas ay ayaw niyang maging hadlang sa kanyang ginagawa, kaya gusto niyang sagasaan ang mga ito na siya namang ginagamit niyang kalasag sa sinasabi niyang panggigipit sa kanya. Marahil napagtanto na ng Pangulo ang kahalagahan ng pagsunod sa Rule of Law. Hindi sa lahat ng panahon ay nasa ibabaw ka at kaya mong gawin ang gusto mo kahit ikapapahamak ng iba. Darating ang araw na mapapasailalim ka at malalagay sa katayuan ng ipinahamak mo. Wala kang magagawa kundi ang sandigan mo ang batas.
Balewalain mo ito at magagaya ka sa taong itinambog sa dagat na pinamumugaran ng mga pating na ang tangi mong magagawa ay magdasal, kung naniwala ka pa sa bisa nito.