Ni Marivic Awitan

UMISKOR si Bryan Bagunas ng 27-puntos upang pangunahan ang National University sa muling paggapi sa Far Eastern University, 19-25, 25-13 24-26, 25-20,18-16 kahapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 80 men’s volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Ang panalo ang ika-anim na sunod na nag-angat sa kanila sa markang 7-1, kasalo ng defending champion Ateneo de Manila University sa liderato.

Hindi naging madali para sa Bulldogs na sakmalin ang tagumpay dahil sa magiting na paglaban ng Tamaraws hanggang sa maiposte ni Bagunas ang pang-apat at huling match point ng decider frame sa pamamagitan ng isang kill at selyuhan ni Kim Malabunga ang panalo sa bisa ng isang ace.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pinangunahan naman ang FEU na bumaba sa ikalawang puwesto taglay ang markang 6-2 ni John Paul Bugaon at Redjohn Paler na may 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nauna rito winalis ng Adamson ang University og the East, 25-20, 25-17, 25-15 upang patuloy na buhayin ang tsansang sumampa ng Final Four.

Dahil sa panalo na pinangunahan ni Leo Miranda na may 12 puntos, umangat ang Falcons sa barahang 3-5 habang nanatili namang winless ang Red Warriors matapos ang walong laro.