Ni Anthony Giron

Makikipag-usap si Cavite Gov. Jesus Crispin C. Remulla sa Provincial Health Board upang matukoy ang dami ng kaso ng dengue sa pitong distrito ng lalawigan.

Aniya, kasama ang health officials ay magdedeklara siya ng province-wide dengue outbreak at isasailalim sa state of calamity ang probinsiya.

Ito ang plano ng gobernador kasunod ng pahayag ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) na may mga ulat ng dengue outbreak sa ilang lungsod at munisipalidad ng Cavite.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ngayong weekend, aniya, ay ipatatawag niya sa pulong ang Provincial Health Board para ipatupad ang pronouncements at matukoy ang dapat gawin, partikular sa mga apektadong lugar.

“We have been continuously doing all preventive measures for the past 18 months. But I will convene the Health Board ASAP (as soon as possible),” ani Remulla.

Naalarma ang Provincial Health Office (PHO) at mga residente sa mga kaso ng dengue sa lalawigan matapos matukoy ang higit pang pagdami nito kada linggo, sa unang tatlong buwan ng 2018.

Base sa huling update report, umabot na sa lima ang patay habang 1,392 ang na-dengue sa Cavite.

Ayon kay Dr. Nelson C. Soriano, hepe ng PESU, simula Enero 1 hanggang Marso 4 ngayong taon ay tumaas ng 64% ang naitalang dengue sa probinsiya, kumpara sa parehong panahon noong 2017, na tatlo ang nasawi at 850 ang dinapuan ng dengue.

Kinumpirma rin ni Dr. Soriano na may dengue outbreak reports sa ilang lungsod at munisipalidad ng probinsiya, na hindi muna tinukoy.

Setyembre 19, 2015 nang nagdeklara ng dengue outbreak sa Cavite at isinailalim din ito sa state of calamity, nang makapagtala ng 48 nasawi sa 12,007 nagkasakit.