Ni FER TABOY, at ulat ni Camcer Ordoñez Imam

Limang katao ang nasawi, tatlo sa mga ito ay bata, habang sugatan naman ang apat na iba pa nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Puntod, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, kahapon ng madaling-araw.

Sa pahayag ng Bureau of Fire and Protection (BFP), nakilala ang mga nasawi na sina Louie Cerillo, 10 anyos; Michelle Cerillo, 13; Mary Grace Cerillo, 12; Mark Kenneth Cerillo, 21; at Connie Nandong Cerillo, 24 anyos.

Ginagamot pa sa Northern Mindanao Medical Center ang mga nasugatan, ang mag-inang Melody at Mary Joy Cerillo, at magkakapatid na sina Tir Jun at Lilibeth Cerillo, parehong nagtamo ng first degree burns.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa unang report ng BFP-Cagayan de Oro City, hindi umano nakalabas ang mga biktima mula sa nasusunog nilang bahay dahil sa naranasang suffocation, kaya binawian ng buhay.

Natagpuan ang bangkay ni Connie sa loob ng banyo na nakababad pa sa tubig, habang ang apat pa ay nadiskubreng magkakayakap sa tabi ng mga naka-lock na bintana sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Sitio San Vicente, Corrales Extension, Bgy. Puntod.

Hindi pa matukoy ni Senior Fire Officer 3 Imelda Barasan ang sanhi ng sunog, na nagsimula dakong 1:48 ng madaling-araw at idineklarang fire out bandang 2:05 ng madaling-araw.

Sinisiyat pa ng BFP ang insidente upang matukoy ang sanhi nito, gayundin ang halaga ng napinsala.