NI Gilbert Espeña

INIHAYAG ni Pambansang Kamao at eight-division world titlist Manny Pacquiao na tiyak nang lalaban siya sa Mayo o Hunyo sa Kuala Lumpur, Malaysia laban kay WBA welterweight champion Lucas Matthysse ng Argentina o two-division world ruler Danny Garcia ng United States.

Tinanggihan ni Pacquiao ang alok ng Top Rank Inc. ng maging undercard sa depensa ni WBO welterweight titlist Jeff Horn ng Australia sa Amerikanong si dating undisputed super lightweight champion Terence Crawford sa Abril 14 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.

“Definitely, Malaysia is where we will fight. If not May, this coming June, maybe third week of June, so the preparation will not conflict with my work,” sabi ni Pacquiao sa ABS-CBN matapos mainsulto sa pagiging undercard lamang sa Horn-Crawford bout.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Inamin din ni Pacquiao na nakiusap sa kanya ang isang grupo sa Malaysia na gawin sa kabiserang Kuala Lumpur ang kanyang return bout matapos matalo kay Horn sa kontrobersiyal na 12-round unanimous decision noong Hulyo 2, 2017 sa harap ng 51,000 boxing fans sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia kahit muntik niyang mapatulog ang Aussie boxer sa 9th round.

Natamo ni Mattyhsse ang bakanteng WBA welterweight title nang mapatigil niya sa 8th round si dating undefeated Thai boxer Tewa Kiram nitong Enero 27 sa Inglewood. California para mapaganda ang kanyang kartada sa 39 panalo, 4 na talon a may 36 pagwawagi sa knockouts.

Huli namang lumaban si Garcia nang mapatigil niya sa 9th round ang minsang tinalo ni Pacquiao sa puntos na si ex-WBO lightweight beltholder Brandon Rios noong nakaraang Pebrero 17 sa Las Vegas, Nevada para iangat ang kanyang rekord sa 34 panalo, 1 talo na may 20 pagwawagi sa knockouts.

Dating No. 1 pound-for-pound boxer sa buong mundo ang 39-anyos na si Pacquiao na may kartadang 59-7-2 na may 38 panalo sa knockouts.