Ni Leonel M. Abasola
May nakikitang solusyon si Senador Bam Aquino sa “nakaw load” sa pamamagitan ng paglalagay ng network providers upang matukoy kung saan napunta ang load ng bawat subscriber, sa unang pagdinig ng Senado sa usapin, kahapon.
Inaasahan ng senador na sa susunod na pagdinig ay ilalatag ng Globe at Smart kung paano ang magiging hakbangin ng dalawang kumpanya sa kanilang napagkasunduan.
“Every transaction, bawat bawas, bawat pasok, dapat po mayroon tayong notification. At bawat subscriber, puwede po nilang itago ‘yung thread na ‘yan para may pruweba tayo kung saan po napupunta ‘yung ating pera sa ating load wallet. It is a very simple solution,” ani Aquino.
Sa ganitong paraan, aniya, magkakaroon ng batayan kung saan napupunta ang mga load at magagamit din ito ng subscribers sa pagsasampa ng reklamo.
Hiniling ni Aquino sa mga kinatawan ng National Telecommunications Commission (NTC), Department of Trade and Industry (DTI) at ibang ahensiya ng pamahalaan na magkaisa para matugunan ang mga problema.
Inamin ng senador na mahirap itong gawin dahil ipapaalam pa rin ito sa mga may-ari ng dalawang telecom at tiyak na pag-aaralan din ito.
“Ang hinahanap po natin, bawat pasok at bawat labas ng pera sa load wallet, kailangan po malinaw. Kapag ni-notify ho kayo na mayroon po diyang hindi kayo nag-opt in, you should have a certain grace period to be able to complain at maibalik ‘yung pera ninyo. That, I think, is one of the best solutions na puwedeng gawin habang pine- penalize po natin ‘yung mga value added service providers na nanlilinlang po sa atin,” ani Aquino.