Ni Dave M. Veridiano, E.E.
KABI-KABILA ang sumbong at reklamo ng mga aplikante ng passport na nahihirapang makakuha ng appointment slot sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa bago o kaya’y renewal ng kanilang passport, samantalang lantaran naman ang pagbebenta ng slot ng mga naglipanang fixer sa paligid ng departamento.
Kaya naman napapalakpak ako sa ginawang magkakahiwalay na entrapment operation ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) at DFA, na ikinaaresto ng 23 fixer na pagbebenta ng passport appointment slot sa mga pulis na nagkunwaring mga aplikante.
Sa report na nakuha ko mula sa opisina ni Chief Superintendent Tomas Apolinario, SPD director, ang mga suspect ay nalambat sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa sa ASEANA, Parañaque; sa Libertad, Pasay; at sa Gate 3 Plaza sa Taguig nitong nakaraang linggo.
Ayon pa sa report, noon pang Pebrero 15, 2018 inumpisahan ang naturang operasyon, sa pamamagitan ng pag-surveillance sa mga miyembro ng sindikatong ito, matapos na makipag-coordinate sa SPD ang DFA, na nakatanggap ng patung-patong na sumbong mula sa mga aplikante.
Ang parehong reklamo ng mga aplikante ay nauubusan daw sila ng itinakdang mga appointment slot ng DFA -- inaabot ng buwan-buwan bago sila makakuha ng slot – nguni’t napapabilis lamang kapag bibilhin nila ito sa mga fixer na kumakausap sa kanila…Ang sisti pala rito ay “pinapakyaw” ng sindikato ang mga “appoinment slot” at unti-unting ibinebenta naman, sa malaking halaga, sa mga nagmamadaling makakuha ng slot, upang maayos na agad ang passport ng mga ito.
Dagdag pa ni Apolinario na ang operasyon ay nilahukan ng mga pulis na nagpanggap na mga passport applicant. Ito ay resulta ng matagal na surveillance work kung saan minanmanan ang magkakaibang DFA offices sa Metro Manila simula pa noong Feb. 15. Nahaharap sa kasong violation of Republic Act No. 9485, o estafa, ang mga nahuling suspect.
Todo pasasalamat naman si Ricarte B. Abejuela III, Acting Director ng Passport Division of the Office of Consular Affairs, kay DD Apolinario na personal na pinamahalaan ang operasyon ng kanyang mga pulis upang siguradong mag-positibo ang trabaho.
Nagbabala rin si Abejuela sa mga taong mahilig sa social media na huwag maniniwala o tangkilikin, ang mga nababasang anunsiyo o mga post, lalo na sa Facebook, na nagsasabing madaling makakukuha ng “appointment slot” kapalit ng malaking halaga: “Ang pag-schedule po ng appointment online ay libre at wala pong bayad at ang mga Facebook posts na nagsasabing nagbibigay ng passport appointments ay pawang mga scam.”
Sinabi pa ni Abejuela na magbubukas ang DFA ng mga panibagong slots araw-araw, para sa buwan ng Marso hanggang Hunyo: “Ang mga aplikante lamang po ay dapat na masugid na magtungo sa online application site ng DFA upang maagang makakuha ng puwesto at hindi maubusan.”
Mayroon pang serbisyong binuksan ang DFA na kung tawagin ay Passport on Wheels (POW) programs, na may apat na sasakyan ng POW ang nag-iikot sa iba’t ibang local government units, upang magproseso ng aplikasyon para sa appointment.
Dagdag pa rito ang serbisyong anim na araw sa loob ng isang linggo, mula Lunes hanggang Sabado, simula 8: 00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, upang matugunan ang pangangailangan ng mga aplikante. Ang ahensya ay magbubukas din ng walong consular offices at maglulunsad ng e-payment system na magpapagaan sa pagbabayad ng mga passport applicant.
Ito naman ang bulong sa akin ng isang operatibang pulis sa SPD na kakilala ko. Bantayan ko raw ang napipintong paglalambat nila sa ilang iniimbestigahan at minomonitor na tiwaling opisyal na PATONG sa ilang sindikato sa paligid ng departamento. ABANGAN!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]