Nina DANNY ESTACIO at FER TABOY
SAN FRANCISCO, Quezon – Binihag at kaagad ding pinalaya ng New People’s Army (NPA) ang apat na sibilyan at dalawang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) Armed Auxiliary makaraang salakayin ang isang rantso sa Sitio Tumbaga, Barangay Nasalaan sa San Francisco, Quezon nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni Major General Rhoderick Parayno, commander ng Army Second Infantry Division, ang mga dinukot na miyembro ng CAA na si Jimmy dela Cruz at Noel Mojar, habang ang apat na sibilyan ay sina Jurior Rada, Arnel Saladar, Dario Banqueles, at Bulongdong Banqueles.
Pinalaya rin kaagad ng NPA ang anim wala pang isang oras makaraang tangayin ang mga ito habang tumatakas ang mga rebelde pasado 5:00 ng hapon nitong Lunes.
Batay sa ulat ni Col. Teody Toribio, tagapagsalita ng Southern Luzon Command (SolCom), inatake ng nasa 50 rebelde ang rantso.
Sinabi ni Gen. Parayno na sinalakay ng grupo ng mga rebelde ang rantso ng pamilya ni James Murray at tinangay ang ilang baril ng mga security guard, kasabay ng pagdukot sa mga sibilyan at sa dalawang miyembro ng CAFGU na nagsisilbing sekyu sa establisimyento.
Nabatid na kapwa naka-off duty sa CAFGU sina dela Cruz at Mojar at nagtatrabahong bantay sa rantso para sa karagdagang kita.
Ang rantso ay bahagi ng hacienda belt sa Bondoc Peninsula na nakasasaklaw sa mga barangay ng Ougon, Nasalaan, at Pinagsangahan, na napaulat na bahagi ng recovery area ng mga rebelde, ayon kay Parayno.