Sinugod ng aabot sa 1,500 raliyista ang EDSA People Power Monument sa Quezon City para sa paggunita sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution kahapon upang tutulan ang panukalang pagpapalit ng gobyerno.

Nagtipun-tipon muna ang mga militanteng grupo, sa pangunguna ni dating National Democratic Front (NDF) negotiator Satur Ocampo, sa EDSA Shrine bago sila nagmartsa patungo sa naturang bantayog.

Sa programa, binigyang-diin ni Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang kakulangan ng kahandaan ng bansa para sa isang federal system of government dahil wala pang maliwanag na layunin at patutunguhan ang pagpapatupad nito.

Magpapalakas lamang, aniya, ito sa political dynasty sa Pilipinas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kilos-protesta, namataan din ang pamilya ng mga nakakulong na aktibista at tinawag nilang “fascist” ang pamahalaang Duterte.

Dumalo rin sa protestang tinampukan ng pagtatanghal ng mga grupong makakultura sina dating Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, Bayan Secretary General Renato Reyes, Mae “Juana Change” Paner, at iba pa.

Nakilahok din sa protesta ang grupo ng mga kabataan na Samahan ng Progresibong Kabataan (Spark), na nananawagang maglatag ng mga alternationg pagpipilian sa pagtatatag ng federal form of government sa Pilipinas.

Tinawag pa nilang “two evils” ang 1987 Constitution at ang panukala ng PDP-Laban na Charter Change.

Iginiit din ng grupo na hindi umano mapakikinabangan ng mahihirap ang isinusulong na pagbabago sa kasalukuyang porma ng gobyeryo at lalo lamang nitong mapagtuunan ng pansin ang economic at political power sa lumalawak na political dynasty sa bansa.

“We must return to the original essence of the EDSA uprising and not the part of self-serving political clans that jostled for the hearts and minds of the masses only to perpetuate themselves in power. The peoples’ revolt was a bona fide attempt to free themselves from debilitating poverty, corruption and inequality under Marcos,” pagtutol pa ni Joanne Lim ng Spark.

- Alexandria Dennise San Juan at Chito Chavez