Ni Marivic Awitan
PORMAL na makausad sa quarterfinal round ang tatangkain ng matagal na napahingang Rain or Shine sa pagsagupa nila sa Alaska sa huling laro ngayon ng 2018 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Bagama’t kasalukuyang nasa ikatlong posisyon, mayroon pa lamang markang 5-3, ang Elasto Painters na huling sumalang noon pang nakaraang Pebrero 10 nang talunin nila ang sinusundang Magnolia Hotshots (7-3) sa larong idinaos sa Calasiao, Pangasinan, 101-95.
Ganap na 7:00 ng gabi tatargetin ng ROS ang pang-anim nilang panalo sa pagtutuos nila ng Aces na naghahangad namang makabangon mula sa dalawang sunod na kabiguan na kanilang nalasap sa nakaraan nilang mga laban.
Hangad ng tropa ni coach Alex Compton na tapusin ang kanilang elimination round campaign sa pamamagitan ng muling paghanay sa win column at makakalas sa kasalukuyan nilang pagkakatabla ng NLEX sa ika-4 na posisyon hawak ang markang 6-4.
Mauuna rito, patatatagin ng reigning titlist San Miguel Beer ang kapit sa pangingibabaw sa pagtatapat nila ng eliminated ng Kia Picanto ganap na 4:30 ng hapon.
Taglay ang barahang 7-2, ang Beermen ang huling tumalo sa Aces, 109-94, noon Pebrero 17 upang makabangon mula sa natamong upset sa kamay ng Blackwater sa sinundan nitong laban.
Ang nasabing kabiguan sa Elite ang inaasahang sisikaping iwasan ng Beermen na maulit sa pagtutuos nila ng Picanto.
Ngunit, siguradong malaking adjustment ang kailangan nilang gawin dahil bukod sa injured na si Alex Cabagnot, hindi rin makakalaro sa kanila si reigning MVP Junemar Fajardo na kasalukuyang kasama ng Gilas sa Australia.
Tulad ng Beermen, problema rin ng Alaska ang pagkawala ni Calvin Abueva na kasama ding kumakampanya sa FIBA World Cup Asin Qualifiers.