DISYEMBRE 19 nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte bilang batas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN), ang una sa limang isinulong ng Department of Finance (DoF) at ipinatupad noong Enero 1 ngayong taon, at ngayon ay naghahatid ng benepisyo sa mahigit apat na milyong empleyado na kumikita ng above-minimum, dahil hindi na kabilang ang mga ito sa mga binubuwisan sa bansa.

Ang TRAIN ay isang makasaysayang batas sa dalawang dahilan. Una, ito ang unang pagkakataon na nagpatupad ang gobyerno ng reporma sa buwis na hindi bunsod ng krisis, o sa kondisyong itinakda ng multilateral financial institution gaya ng International Monetary Fund, upang mabayaran ang utang. Ipinatupad ang tax reform na ito upang labanan ang kahirapan at itama ang hindi pagkakapantay-pantay pagdating sa suweldo o kita.

Pangalawa, ito rin ang unang pagkakataon na ang personal income tax rates, na matagal na panahong pasan ng maraming taxpayer na mabababa ang suweldo, ay nabago upang umayon sa kasalukuyang inflation rates at upang bigyan ang mga Pilipino ng mas malakas na purchasing power o makabili ng mga produkto o serbisyo na mas marami kaysa noon.

Sa TRAIN, ang unang package sa ilalim ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng administrasyong Duterte, ay hindi na kailangang magbayad ng personal income tax ng mga self-earner at self-employed na mga indibiduwal na mayroong annual taxable income na P250,000 pababa. Wala na ring buwis ang 13th month pay at iba pang mga bonus, na hindi lalagpas sa halagang P90,000, sa ilalim ng TRAIN.

Nakasaad din sa tax reform law ang mga probisyong magpapasigla sa koleksiyon ng buwis upang (1) bayaran ang tinayang lugi sa kita mula sa personal income tax cuts at (2) upang suportahan ang malaking gastos ng gobyerno sa imprastruktura at human capital development. Kabilang dito ang pag-aalis sa piling exemptions sa value-added tax (VAT); pagbabago sa tax rate para sa gasolina, sasakyan, tabako, uling, mga mineral, documentary stamps, foreign currency deposit units, capital gains para sa mga stock na hindi napasama sa stock exchange, at stock transactions; at bagong mga buwis para sa sugar-sweetened beverages (SSBs) at non-essential cosmetic procedures; at bawas sa buwis ng estate at donor.

Binigyang-diin ni Finance Secretary Carlos G. Dominguez III na ang 99 na porsiyento ng individual taxpayers sa bansa ay makatatanggap ng benepisyo mula sa TRAIN, salamat sa malaking bawas sa personal income tax rates. Bilang resulta, ayon kay Dominguez, ang mga indibiduwal na mayroong taxable annual income na P250,000 ay maaaring magkaroon ng dagdag na kita na kasing laki ng isang buwang sahod, kada taon.

Mas patas, mas simple at mas maayos. Halimbawa, ang isang tauhan sa gobyerno o isang entry-level worker sa pribadong sektor, na mayroong tinatayang P15,000 na suweldo kada buwan, ay hindi na magbabayad ng income tax. Ibig sabihin nito, maaari nang iuwi ng manggagawa ang P18,457 buwis na kanyang binabayaran taun-taon sa ilalim ng dating tax law, at bilang resulta, madagdagan ng P1,538 ang kanyang suweldo kasa buwan.

Kahit na makaapekto ang ibang probisyon ng TRAIN sa pagtaas ng VAT base, ng excise tax ng gasolina at tabako, ng SSB tax, at ang pangkahalatang epekto ng pagtaas ng bilihin, makakapag-uwi pa rin siya ng P1,700 kada buwan, batay sa taya ng DoF, na masusing pinag-aralan ng kagawaran.

Ayon sa DoF, nabago rin ang tax brackets ng mga indibiduwal na kumikita ng P250,000 at pataas, kaya ang mga kumikita ng mahigit P250,000 ngunit hindi tataas ng P2 milyon ay magbabayad lamang ng 20-30 porsiyentong income tax.

Halimbawa, ang isang doktor na nagtatrabaho sa pampublikong ospital na mayroong dalawang dependents at kumikita, sabihin na natin, ng P73,299 kada buwan, ay makapag-uuwi ng tinatayang P58,484 at higit pa, kada taon, simula ngayong taon dahil sa pagbabago sa income tax brackets at rates, paliwanag ng DoF.

Ang mga kumikita ng P2 milyon taun-taon ngunit hindi tataas sa P8 milyon ay mayroong 32 porsiyentong tax. Ang malaking tax na aabot sa 35 porsiyento ay para sa mga indibiduwal na kumikita ng P8 milyon taxable pataas, ayon sa kagawaran.

Hindi maisasakatuparan ang inclusive growth agenda ng administrasyong Duterte nang may gobyernong nasa ilalim ng state of inertia. Dapat nitong sunggaban ang mga oportunidad na mayroon ngayon, upang maipatupad ang mga malawakang reporma, gaya ng TRAIN, upang maabot ang layunin nito para sa isang masigla at kumprehensibong paglago.