ni Bert de Guzman
HINDI kinikilala ng Pilipinas at pinoprotestahan pa nito ang hakbang ng China na pangalanan sa Wikang-Chinese (Mandarin o Fukienese) ang limang undersea features sa Philippine Rise (Benham Rise) na kamakailan ay ginawan nila ng maritime scientific research.
-0-0-0
Mukhang nagiging bold dito si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD), hindi tulad sa pagiging tameme niya at “duwag” sa kaso ng West Philippine Sea (South China Sea), na kung saan ay patuloy sa pag-okupa ang kaibigan niyang China sa ilang reef (tulad ng Mischief Reef) at militarisasyon bukod pa sa patuloy na pagtatayo ng artificial islands sa teritoryo na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
-0-0-0
Bulalas ni presidential spokesman Harry Roque: “We object and do not recognize the Chinese names given to some undersea features in the Philippine Sea”. Kumilos din si PH Ambassador to China Jose Santiago “Chito” Sta. Romana at ipinaalam ang bagay na ito sa kanyang counterpart sa Beijing.
-0-0-0
Nagtatanong ang taumbayan kung papayagan bang muli ni PRRD na sakupin ng bansa ni Chinese Pres. Xi Jinping ang Philippine Rise, tulad ng pag-okupa nito sa Mischief Reef at iba pang isla na saklaw ng ating EEZ sa katwirang hindi natin kayang makipaggiyera sa China? Parang lalong lumalakas ang loob ng China sa pagsusulong ng kanilang agenda sa WPS-SCS bunsod ng laging sinasabi ni Mano Digong na wala tayong kakayahang makipaglaban sa China. Eh hindi naman tayo makikipaggiyera, ipaaalam lang natin sa China at sa buong mundo na atin ang Philippine Rise.
-0-0-0
Samantala, nagwarning ang Japan sa patuloy na militarization ng China sa WPS-SCS. Iniulat ng Japan Self-Defense Forces (JSDF) na ang military buildup ng China sa nasabing lugar ay magpapalakas sa taglay nitong air force presence at robust naval and maritime enforcement operations. Nakababahala ito sa ibang mga bansa, gaya ng US, Japan, Australia, atbp.
-0-0-0-
Ang Japan ay may problema rin sa China tungkol sa inaangkin nitong Senkaku Group of Islands na malapit sa dulong-katimugan na malapit sa Taiwan sa East China Sea. Nagwarning ang JSDF na ang mga pasilidad ng China ay magpapalakas sa intelligence, surveillance at reconnaissance nito sa Spratly Islands.
-0-0-0
Kinondena ng Kuwait ang pahayag ni PDu30 tungkol sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na pinagmamalupitan, hinahalay, pinapatay at isinisilid pa sa freezer sa naturang bansa. Makaaapekto raw ito sa relasyon ng Pilipinas at ng Kuwait. Bumibili ba tayo ng langis sa Kuwait?
-0-0-0-
Siyanga pala, hinirang ni Pres. Rody si Eduardo Manalo, INC Executive Minister, bilang Special Envoy para sa Filipino migrants. Sinuportahan ng INC si Mano Digong noong 2016 elections. May nagtatanong: “Meron din kayang mga miyembro ng INC na naka-deploy sa Middle East at iba pang mga bansa? Sana ay makatulong si Punong Ministro Manalo sa kalagayan ng ating OFWs.