MULING magbabalik sa ibabaw ng lonang parisukat si dating IBO super featherweight champion Jack "The Assasin" Asis ng Pilipinas laban kay ex-IBO Asia Pacific welterweight titlist Rivan Desaite ng Cameroon sa Marso 10 sa Rumours International, Toowoomba, Queensland, Australia.
Nagretiro na si Asis matapos maagawan ng IBO crown ni Malkolm Klassen noong Agosto 5, 2016 na ginanap sa teritoryo nitong Gausteng, South Africa na nasundan ng pagkatalo sa puntos kay Can Xu sa sagupaan noong Mayo 7, 2017 sa lugar nito sa Xi An, China.
Ngunit muling nagbalik sa ring si Asis sa one-day boxing tournament sa Queensland kung saan sunod-sunod na tinalo niya via stoppage si dating Queensland State welterweight champion Jamie Hilt, Jason Kanofski via 3-round majority decision at sa puntos din si Luke Woods para magkampeon sa torneong nilahukan din ni dating world champion Michael Katsidis.
Tulad ni Asis, matagal na ring nakabase si Cesaire sa Australia na nagtala ng apat na sunod-sunod na panalo matapos matalo via 9th round TKO kay bagong WBO welterweight champion Jeff Horn noong Marso 19, 2014.
May rekord si Cesaire na 15-5-1 na may 3 panalo sa kncokouts kumpara kay Asis na may kartadang 38-20-5 na may 19 pagwawagi sa kncokouts. - Gilbert Espeña