Ni Bert de Guzman
KUNG nagawang tanggalin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang dalawang mataas na opisyal ng Social Security System (SSS), sina Chairman Amado Valdez at Commissioner Jose Gabriel La Vina dahil sa posibilidad ng anomalya sa ahensiya na kinasasangkutan ng ilang pinuno nito hinggil sa umano’y inside trading, marahil ay kaya rin niyang “manibak” sa ibang ahensiya o tanggapan.
Kung ganoon eh bakit sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na binubulabog ngayon ng eskandalo na ikinalulugi ng gobyerno ng P45 bilyon kada buwan, wala pang isang ulo na gumulong? Di ba sabi niya noon: “Just a whiff of corruption.” Mr. President, hindi lang “whiff” o bahagyang alingasngas ang umiiral ngayon sa PCSO, malakas na hangin pa ng anomalya. GM Balutan, Sandra Cam, Atong Ang, magsalita nga kayo!
Determinado si Mano Digong na ituloy ang kanyang giyera sa droga kahit nahaharap siya sa imbestigasyon o pag-uusig ng International Criminal Court (ICC) bunsod umano ng extrajudicial killings o pagkamatay ng libu-libong suspected drug pushers at users. “Sige, ikulong ninyo ako.” Itutuloy niya ang anti-drug war hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino.
Iniutos ng Office of the Ombudsman (OTO) ang dismissal ni Cebu City Rep. Gwendolyn Garcia dahil umano sa maanomalyang pagbili ng ari-arian nang siya pa ang governor nang walang pahintulot ng Sangguniang Panlalawigan. Ang binili ay ang 24.92 ektarya sa Brgy Tiga-an, Naga, Cebu sa halagang P92.926 milyon noong Hunyo 2008.
Inatasan ng OTO sa pamumuno ng may “balls” na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales si Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na ipatupad ang dismissal order. Ang tanong: Sundin kaya ni Speaker Bebot ang kautusan ng OTO? May balitang hindi susunod si Alvarez.
Inutos ni PDu30 sa Department of Labor and Employment na ipagbawal na ang deployment ng mga Pilipino sa Kuwait. Galit ang machong presidente sa kalupitan, pang-aabuso, panghahalay, at kawalang-respeto ng Kuwaiti employers sa dignidad ng Overseas Filipino Workers (OFWs). Bravo, Ginoong Pangulo! Nasa likod mo ang sambayanan sa desisyong ito!