ni Bert de Guzman

DUDA sina Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate committee on agriculture and food, at Cabinet Sec. Leoncio Evasco, puno ng NFA Council, na nag-aapruba sa lahat ng plano sa pag-angkat ng bigas ng bansa. Nagtataka si Villar kung bakit gusto ng National Food Authority (NFA) na umangkat ng bigas gayong sapat naman ang suplay ng inaaning palay sa kabukiran.

-0-0-0-0

Mabuti na lang at maganda ang inaning palay ng bukid ni Tatang sa San Agustin, San Miguel, Bulacan na ngayon ay binubungkal ng aking mga pamangkin. Hindi sila mawawalan ng bigas sa gitna ng krisis na umano’y kakulangan ng NFA rice na tatagal na lang daw ng dalawang araw. Makatitikim na naman ang pamilya ko ng bagong bayong bigas.

-0-0-0

Palalawakin pa raw ng China ang itinatayong “artificial islands” sa Spratly archipelago at iginiit na ang mga ito ay para sa layuning pang-sibilyan (civilian purposes) at hindi pang-militar. “Civilian facility construction is the major focus of the South China Sea islands building and the portion of defense deployment is relatively small,” pahayag ni Chan Xiangmiao, research fellow sa National Institute for the South China Sea. Eh, sino naman ang maniniwala rito? Nasubukan na ang di pagtupad sa salita ng China nang hindi umalis sa West Phil Sea noon at inokupahan ito samantalang ang PH ay umalis alinsunod sa kasunduan.

-0-0-0

Itinatanggi ng Malacañang na masyadong malambot ito o “pusong-mamon” sa China. Noong Lunes, sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na ang PH ay kaisa ng ASEAN (Associaton of Asian Nations) na nababahala sa patuloy na island-building sa West Philippine Sea o South China Sea. Sa pahayag noong Martes sa Singapore, inihayag ng ASEAN na ang patuloy na reklamasyon ng China sa WPS-SCS ay sumisira sa pagtitiwala at posibleng magpataas sa tensiyon sa rehiyon.

-0-0-0

Dalawang resolusyon ang inihain sa Senado na naglalayong palakasin ang pag-aari ng Pilipinas sa Philippine Rise (Benham Rise) matapos iutos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na ipagbawal ang marine scientific research sa lugar na iyon sa Aurora province. Sa resolusyon ni Sen. Grace Poe, dapat magsagawa ang gobyerno ng study missions sa Phil Rise at sa PH-claimed reefs. Sa resolusyon naman ni Sen. Leila de Lima, hiniling niya sa Senado na gumawa ng imbestigasyon bunsod ng “undue preference” ng DFA sa China sa scienfific reseach nito sa Benham Rise.

-0-0-0-0

Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang at ang Department of Health (DoH) na si Dr. Erwin Erfe, forensics chief ng Public Attorneys Office (PAO), ay hindi isang eksperto o pathology expert. Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, hindi dapat na ituring na isang “expert opinion” ang ano mang kongklusyon ni Erfe sa mga autopsy na ginawa niya sa mga bangkay ng mga bata na namatay (hindi nasawi) raw dahil sa dengvaxia, ang anti-dengue vaccine. Si Erfe raw ay isang medico-legal lang kung kya ang kanyang opinyon ay hindi galing mula sa isang eksperto.

-0-0-0-0-

Iniutos ng House committee on justice sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na suriin at imbestigahan ang kinita at ibinuwis ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno nang katawanin niya ang gobyerno sa kaso ng Philippine International Air Terminals Co. Inc (Piatco) noong 2004-20010. Nais malaman kung tama ang pagsusumite niya ng SALN na isa sa mga dahilan kung bakit gusto siyang ma-impeach ni Atty. Lorenzon Gadon. Tandaan, ang pusakal na gangster sa US na si Al Capone noon ay hindi napabilanggo ng US authorities sa mga kasong murder, pero sumabit siya sa di pagbabayad ng buwis at nakulong.