Ni Bert de Guzman
IMBALIDO at walang saysay ang ipinataw na 90 araw na suspensiyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban kay Overall Deputy Ombudsman (ODO) Melchor Carandang dahil ito ay walang “presumption of regularity”. Ito ang pahayag ni Albay Rep. Edcel Lagman na nagsabi ring hanggang ang desisyon ng Supreme Court (SC) sa kaso ni ex-Deputy Ombudsman Emilio Gonzalez III noong 2014 ay hindi binabago ng SC, walang kapangyarihan o awtoridad ang Pangulo na magtanggal, magsuspinde o magdisiplina sa mga deputy ng Office of the Ombudsman (OTO).
Para kay Lagman na isang uragon at taga-Albay na kung saan ang Mayon Volcano ay nag-aalburoto, hanggang hindi binabago at pinawawalang-saysay ang 2014 SC decision, obligado si PRRD na ipatupad at sundin ang “validity and efficacy” o pagiging balido at mabisa ng kapasiyahan ng Korte Suprema. Hindi dapat na suwayin ito sa pamamagitan ng pagsuspinde kay ODO Carandang dahil inihayag daw niya ang bank account ng Pangulo.
May mga nagtatanong kung si Mano Digong ay mataas pa sa batas o siya na mismo ang batas ngayon at kayang-kaya niyang suwayin at labagin ang mga batas na umiiral sa bansa. Marahil ay hindi naman sapagkat naniniwala pa rin si Pangulong Rody sa ating Constitution, mahal niya ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan na pag-asa ng bayan.
Binibigyan naman si Carandang ng pagkakataon na tugunin ang suspension order ng Pangulo. Nais ng Malacañang ang kasagutan sa paglalahad niya ng bank account ni PDu30 na ginawang basehan ni Sen. Antonio Trillanes IV na pagbintangan ang ating Pangulo ng plunder at hindi pagrereport ng tamang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Networth).
Siyanga pala, naniniwala si SC Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang policy of appeasement o patakaran ng pagpapatahimik ng Duterte administration sa isyu sa West Philippine Sea, ay lalo lamang magpapalakas ng loob sa bansa ni Pres. Xi Jinping na okupahan ang mga reef na saklaw ng Pilipinas.
Mr. Justice Carpio, hindi ito polisiya ng pagpapatahimik o pagsasawalang-kibo, ito ay patakaran ng karuwagan dahil hindi raw natin kayang banggain ang China. Hindi naman tayo nakikipaggiyera sa bansang may 1.3 bilyong populasyon, ang gusto lang ng mga Pinoy ay igiit ni PRRD na atin ang mga reef at shoal na saklaw ng ating Ecxlusive Economic Zone (EEZ) alinsunod sa desisyon ng Arbitral Tribunal sa Netherlands.
Tama ka Mr. Justice na ang ganitong attitude at patakaran ng PDu30 govt. ay lalo lang magpapalakas ng loob sa Beijing na i-militarize ang Spratly archipelago. Batay sa mga ulat, nagtayo ng air at naval facilities ang China sa pitong Philippine-claimed reefs. Tameme si PRRD at umaasa sa assurance ng China na hindi na ito ookupa pa ng bagong mga reef.
Isang English broadsheet columnist ang sumulat na dapat hayaan ng Public Attorneys Office (PAO) ang mga medical expert na gumawa ng mga hakbang at pagsisiyasat sa isyu ng Dengvaxia dengue vaccine. Dapat daw tigilan ng PAO ang pagsasagawa ng mga autopsy sa mga bangkay ng mga bata na namatay (hindi nasawi) umano sanhi ng Dengvaxia injection.
Sabi ng kolumnista, dapat tumigil ang “may matiling boses” na hepe ng PAO sa akusasyon laban sa Dengvaxia. Hindi eksperto ang PAO sa larangan ng medisina, kaya dapat hayaan ang mga doktor at eksperto sa bagay na ito.