Ni MALU CADELINA MANAR, at ulat ni Vanne Elaine P. Terrazola

Itinanggi kahapon ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel “Manny” Piñol ang napaulat na nagkakaroon na ng kakapusan ng bigas sa bansa.

Sinisisi ni Piñol ang kartel sa umano’y pagmamaniobra sa presyo ng bigas sa merkado.

“In fact, our stocks are enough for our consumption for the next 96 days,” sinabi ng kalihim.

National

Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng Death Penalty for Corruption Act

Tinukoy ni Piñol ang datos ng DA, na aabot sa 19.4 milyong metriko tonelada ang produksiyon ng palay sa bansa noong 2017, na sinasabing pinakamalaki sa kasaysayan.

Aniya, halos anim na milyong metriko toneladang bigas ang available sa merkado sa susunod na 96 na araw, kabilang na ang 2.7 metriko toneladang rice surplus noong nakalipas na taon, at ang iba ay mula naman sa ani ng mga magsasaka hanggang sa Marso ngayong taon.

Tinaya ni Piñol sa 31,450 metriko tonelada ng bigas ang arawang konsumo ng bansa, o kabuuang 2.8 milyong metriko tonelada para sa susunod na tatlong buwan.

“If you would deduct these 2.8 million metric tons of rice consumption of the Filipinos for the next 96 days, we still have 3 million metric tons available stocks of rice in the market. With these data, ano ba’ng rice shortage ba ang kanilang pinagsasabi?” ani Piñol.

Batay sa obserbasyon ng kalihim, nakararanas ngayon ang bansa ng tinatawag nitong “anomalous food chain”, kung saan ang mga negosyante ang nagdidikta sa presyo ng bigas at hindi ang mga magsasaka na nagbebenta nito.

“The government has no control over it, and for that matter, the DA, has no mandate to do so,” ani Piñol.

Kaugnay nito, nagrereklamo na ang Grains Retailers Confederation (GRECON) sa Kidapawan City, North Cotabato dahil sa limitadong imbak na bigas ng National Food Authority (NFA).

Kaugnay nito, hiling naman ni Senator Cynthia Villar—sa pamamagitan ng inihain niyang Senate Resolution 608—na maimbestigahan ng Senado ang napaulat na kakapusan sa NFA rice at ang epekto nito sa presyuhan sa merkado.