Ni Leonel M. Abasola
Mas pagtutuunan ng pansin ng Senado ang pagpapasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL) bilang batas, kaysa pagbabago sa Saligang Batas.
Ayon kay Sen. Bam Aquino, ang pagpapasa ng BBL ang maghahatid ng kapayapaan at kasaganaan sa Mindanao at sa buong bansa.
“Uunahin na natin ang pagpasa sa BBL. We need this law in order to address urgent and pressing issues in the Bangsamoro region. A number of senators have agreed to pass this by March, even ahead of any Cha-cha,” ani Aquino.
Aniya, malinaw ang mensahe ng mga lider sa Mindanao na ang pagsasabatas ng BBL ang isa sa mga solusyon para maibsan ang karahasan at gulo sa Bangsamoro, batay na rin sa isinagawang konsultasyon sa Marawi City at sa Maguindanao.
Nagkakaisa, aniya, ang Senado, mula sa mayorya hanggang sa minorya, na kailangan ang BBL upang puksain ang karahasan at mapabilis ang pag-unlad ng rehiyon sa pamamagitan ng awtonomiya.
“Huwag nating ipantapat ang karahasan sa terorismo. Kapayapaan at kasaganaan ang ating ipantatapat dito sa pamamagitan ng BBL,” anang senador.
Inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 1661 na nagsusulong sa pagpapasa sa BBL bilang batas.
Bago nabuo ang nasabing panukala, kinonsulta muna ni Sen. Bam ang ilang sektor, kabilang ang Bangsamoro Transition Commission (BBL), upang maiakma ang panukala sa kasalukuyang pangangailangan ng rehiyon.