Ni Reggee Bonoan
BITTER-SWEET o magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ni Carlo Aquino sa presscon ng pelikulang Meet Me in St. Gallen ng Spring Films at Viva Films dahil pinagkatiwalaan daw siyang kunin bilang leading man ni Bela Padilla.Masaya ang aktor dahil pagkalipas ng ilang taon ay ngayon lang siya ulit gumawa ng pelikula.
“Sobrang laki ng utang na loob ko sa kanila kasi first time kong maging leading man sa isang pelikula, first time kong mag-shoot sa ibang bansa, first time kong makakita ng snow, first time kong makapunta ng Europe, first time kong makapamasyal. Kasi pagkatapos ng shooting ng St. Gallen, nag-extend ako, nag-travel ako, nagpunta ako ng Italy, nag-Christmas ako sa Venice mag-isa,” kuwento ng aktor.
Hindi ba siya nalungkot habang mag-isang namamasyal sa napakalamig na bans?
“Hindi naman ako nalungkot kasi may mga nakilala ako, kasi feeling ko naman ang inspirasyon hindi lang nanggagaling sa isang tao, makakakuha ka ng ibang inspirasyon sa ibang tao. Dito na ako nag-New Year, dumating ako ng December 30,” masayang sagot ng binata.
Ibinalita namin kay Carlo na may bago siyang project sa Spring Films, dahil isa siya sa mga binanggit ni Direk Joyce Bernal na bubuo sa cast ng pelikulang Black is Night na iso-shoot sa Marawi simula sa Marso hanggang Mayo ngayong taon.
“Talaga? Hindi ko pa narinig ‘yan, ngayon lang,” nakangiting sabi ng aktor.
Sabi namin, hindi pa siya sinasabihan ng Spring Films producers dahil ipi-pitch pa nila ang kuwento sa Star Magic.
“Wow, sige gusto ko ‘yan, sinu-sino pa kasama? Gusto ko rin makatrabaho si JM de Guzman,” say ni Carlo.
Pero malungkot naman si Carlo dahil hindi naiwasang pag-usapan ang tungkol sa paghihiwalay nila ng dating girlfriend niyang si Kristine Nieto. Pitong taon silang naging magkarelasyon.
Paulit-ulit na sinabi ng aktor na walang third party sa hiwalayan nila at hindi rin totoong si Angelica Panganiban ito na dati rin niyang karelasyon noong bagets pa sila.
“Wala namang (isyu), nagkasama nga kaming manood ng concert ng Coldplay sa Singapore kasama rin sina Angel Locsin,” saad ng binata.
Pero hindi naman daw nawala ang komunikasyon nila ni Angelica simula nu’ng naghiwalay sila.
“Eversince naman hindi nawala ‘yung pagki-care ko sa kanya bilang kaibigan, paminsan-minsan lagi kaming magka-text. Maski may girlfriend pa ako no’n, magka-text kami, hindi naging isyu ‘yun sa dati kong (girlfriend),” pakli ni Carlo.
Si Angelica ba ang first love niya?
“Si Angel? Oo, siya.”
Natawa si Carlo sa sinabi naming, ‘First love never dies?’
May pahayag si Angelica na niyaya raw itong mag-dinner ni Carlo pero hindi natuloy, kaya tinanong ang binata kung may plano ba siyang ligawan ulit ang ex.
“Wala sa isip ko pa ang manligaw, pahinga muna ako, parang magtatrabaho muna ako kasi masyadong busy. Tulad nga ng sinabi ni Bela, maraming blessings ang dumarating sa akin ngayon. So sa ngayon, doon muna ako,” katwiran ng aktor.
Bakit nga ba sila naghiwalay ni Kristine?
“Walang third party, siguro nag-mature ng ibang way kaming dalawa. Isa rin ang oras kasi hindi kami nagkikita, nagtuluy-tuloy din ang projects na ibinibigay sa akin na minsan hindi ako nakakauwi o ‘pag nasa bahay ako, siya naman ‘yung wala,” saad ng binata.
Ang binata raw ang nakipag-hiwalay dahil sa pakiramdam na hindi na niya nagagampanan ang pagiging boyfriend niya dahil lagi siyang wala.
“Siyempre hindi tinanggap agad-agad, nag-usap kaming mabuti,” sabi ni Carlo.
Nangingilid ang luha ng binata kapag pinag-uusapan ang kinahantungan ng relasyon nila ni Kristine.
Hindi itinanggi ng binata na may mga gabing naiiyak siya dahil 3 months pa lang naman silang nagkakahiwalay. Open din siya sa reconciliation.
Ang natutunan daw ni Carlo sa mga naging failed relationship niya, “Siguro hangga’t may kaya kang ipaglaban, ipaglaban mo.”
Sa madaling sabi, hindi niya naipaglaban si Kristine?
“Sa ngayon ayoko munang isiping may regrets ako kasi ini-enjoy ko muna ‘yung mga pumapasok na trabaho, kayo lang nagpapaalala sa akin,” natawang sabi ng binata na namuma na ang mga mata.
Mapapanood na sa Pebrero 7 ang Meet Me in St. Gallen na idinirehe ni Irene Villamor.