Ni Bert de Guzman
LAGING sinasabi ng Malacañang na pag-aari ng Pilipinas ang Panatag (Scarborough) Shoal subalit tameme naman si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang prangkahang sabihin ito sa kinakaibigan niyang si Chinese Pres. Xi Jinping.
Iniiwasan din ni Mano Digong na banggitin sa mga lider ng China ang favorable decision ng Arbitral Court sa Netherlands hinggil sa soberanya ng PH sa Panatag Shoal. Binalewala rin ng korte ang 9-dash line ng China sa pag-angkin sa halos kabuuan ng West Philippine Sea (South China Sea).
Para sa Palasyo, maaaring i-assert ng China ang claim nito sa shoal pero nananatili ang PH sovereignty sa nasabing shoal. Isipin ninyo, mga kababayan, na ang shoal na ito ay saklaw ng ating Exclusive Economic Zone ngunit naduduwag ang administrasyon na igiit na atin ang Panatag Shoal. Isipin din natin na pinagbabawalan ang ating mga mangingisda na pumunta roon para mangisda gayong ilang dantaon na nilang pinangingisdaan ito.
Pahayag ni presidential spokesman Harry Roque: “What can we do? That is their claim. But what is very clear is all pieces of evidence affirm that we have sovereignty (over the shoal)”. Eh ganoon pala, bakit di natin igiit at ipaglaban ito. Wala raw kakayahan ang PH na banggain ang dambuhalang China. Pero hindi naman iyan ang isyu. Hindi natin kayang kalabanin ang China ngunit dapat patuloy ang ating protesta sa pag-okupa ng bansa ni Xi Jinping sa Panatag. Kung nagagawa ng Vietnam at Japan ang pagkontra sa claim ng China sa kanilang mga isla, eh bakit takot na takot si PRRD na gawin din ito?
Sasampalin daw ni PDu30 si Jose Ma. Sison (Joma), founder ng Communist Party of the Philippines, kapag sila ay nagkita. Well, hyperbole ba ito o joke Justice Sec. Vitaliano Aguirre II? Ayon kay Mano Digong, sasampalin niya si Joma kapag nagkita sila. “Let’s meet and I will slap you.” Paano sila magkikita, eh nasa Netherlands si Joma at siya ay nasa Pinas.
Inakusahan ng Pangulo ang kanyang dating propesor sa Lyceum of the Philippines ng pagiging “desperado” dahil ang mga rebel leader, tulad niya (Joma), ay tumatanda na. “Kita tayo Sison. Sampalin kita,” pahayag ni Pangulong Rody sa paglulunsad ng isang agriculture project para sa mga sugatang kawal sa Compostela Valley.
Nagpapabaril si PRRD sa kanyang security forces kapag nanatili siya kahit isang araw sa puwesto pagkatapos ng termino sa 2022. Tugon niya ito sa mga batikos na ginagamit niya ang Cha-Cha (Charter Change) para mapalawig ang termino at magtatag ng isang diktadurya. “I am now ordering the AFP or PNP not to allow me or anybody else to mess up with the Constitution.” Barilin daw siya. Sec. Vits, hyperbole ba o joke lang ito?