Warriors, angat sa NY Knicks; LeBron, umabot sa 30,000 mark.

OAKLAND, California (AP) — Muling naghabol at muling rumatsada sa second half ang Golden State Warriors para maisalba ang pagkawala ni Kevin Durant sa krusyal na sandali laban sa New York Knicks, 123-112, nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sa Oracle Arena.

Hataw si Stephen Curry sa natipang 32 puntos, tampok ang 17 sa third quarter, pitong assists at anim na rebounds, para muling makaiwas sa back-to-back loss ngayong season. Galing sa kabiguan ang Warriors kontra Houston Rockets.

Nag-ambag si Durant ng 14 puntos, career-high 14 assists at dalawang blocks bago napatalsik sa laro bunsod nang dalawang technical may 2:50 ang nalalabi. Kumubra naman si Zaza Pachulia ng 13 puntos para sa Golden State.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Naitala ni Curry ang 8 of 15 sa three-pointer, suot ang sapatos na may larawan nang kanyang mga anak na sina Riley at Ryan at may mensahe na “I can do all things.”

Nanguna si Michael Beasley sa Knicks na may 21 puntos, habang kumana si Courtney Lee ng 20. Nabigo ang New York sa ikatlong pagkakataon a huling apat na laro.

SPURS 114, CAVS 102

Sa San Antonio, hindi nakumpleto ang pagdiriwang ng Cleveland Cavaliers nang magapi ng Spurs.

Binigyan ng standing ovation si Cavs star LeBron James nang makamit ang 30,000 scoring milestone, subalit hindi nito nabigyan ng morale ang mga kasangga para maungusan ng naghahabol na Spurs.

Umusad ang San Antonio sa 31-18 marka.

Nakasama si James sa NBA’s 30,000-point club na kinabibilangan nina Kareem Abdul-Jabbar (38,387), Karl Malone (36,928), Kobe Bryant (33,643), Michael Jordan (32,292), Wilt Chamberlain (31,419) at Dirk Nowitzki (30,808).

Sa edad na 33-anyos at 24 araw, si James ang pinakabatang player na nakagawa ng marka. Si Bryant ay 34-anyos at 104 araw nang makasama sa grupo.

LAKERS 108, CELTICS 107

Sa Boston, naisalpak ni Jordan Clarkson ang krusyal free throw sa krusyal na sandali para maungusan ng LA Lakers ang Celtics.

Naghabol ang Lakers sa 14 puntos na abante ng Celtics sa kabuuang ng unang tatlong quarters at nanatiling nasa likuran, 88-82, may walong minuto ang nalalabi sa laro. Umarya ang Lakers sa 19-3 run para sa 97-91 bentahe.

Nakabawi naman ang Celtics para sa palitan ng baskets hanggang maisalpak ni Clarkson ang apat na free throws sa krusyal na sandali. May tsansa ang Boston na agawin ang panalo, ngunit sumablay si Marcus Smart sa kanyang three-point shot sa buzzer.

Nanguna si Kyle Kuzma sa Lakers (18-29) na may 28 puntos mula sa bench, habang tumipa si Clarkson ng 22 puntos.

Nabalewala ang game-high 33 puntos si Kyrie Irving para sa Celtics (34-14). Kumubra si Smart ng 22 puntos mula sa bench.

THUNDER 109, NETS 108

Sa Oklahoma City, naisalpak ni Russell Westbrook ang go-ahead layup may 3.3 segundo ang nalalabi para maungusan ng Thunder ang Brooklyn Nets.

Nagpalitan ng bentahe sa anim na pagkakataon sa huling 2:23 ng laro.Nakuha ng Brooklyn ang 108-107 bentahe sa layup ni Spencer Dinwiddie may 7.8 segundo sa laro. Nagkaroon ng tatlong timeouts para mapaghandaan ng magkabilang panig ang diskarteng gagawin. Mabilis ang atake ni Westbrook mula sa inbound pass para maisalpak ang winning layup.

Sumablay ang three-point attempt ni Dinwiddie sa buzzer.

Kumana si Westbrook ng 32 puntos, habang tumipa si Paul George ng 28 puntos at siyam na rebounds.

Nanguna si Joe Harris sa Nets na may 19 puntos, habang kumabig sina e Dinwiddie at DeMarre Carroll ng tig-13 puntos.

KINGS 105, MAGIC 99

Sa Orlando, Florida, kumana si Garrett Temple ng career-high 34 puntos, tampok ang 17 sa final period para sandigan ang Sacramento Kings kontra Magic.

Nag-ambag sina Willie Cauley-Stein at Buddy Hield ng 21 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod para matuldukan ang eight-game losing streak ng Kings.

Nanguna si Evan Fournier sa Magic na may 22 puntos.