Ni Mary Ann Santiago
Upang maibsan ang matinding trapiko sa Metro Manila, nagkapit-bisig ang pamunuan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at Superferry service para makapagpatupad ng biyahe at makapagsakay ng mga pasahero ang kanilang ferry boat mula Cavite patungo sa Metro Manila.
Ito ay nakasaad sa Memorandum of Understanding (MOU) at Memorandum of Agreement (MOA) ng PRRC, Intramuros Administration, Cavite Superferry Service Management, at lokal na pamahalaan ng Noveleta, na nilagdaan sa makasaysayang Plaza Mexico sa Intramuros, Maynila.
Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan ay sina PRRC Executive Director Jose Antonio Goitia; Eduardo Manuel, founder ng Cavite Superferry; Atty. Guiller Asido, ng Intramuros Administration; at Noveleta Mayor Dino Reyes Chua.
Ayon kay Goitia, napapanahon ang nasabing partnership at tiyak aniya, na makatutulong ito sa mga commuter na nagmumula sa Cavite papuntang Maynila at vice versa, gayundin sa pagpapaluwag ng trapiko sa Maynila.
Idinagdag pa niyang maaasahan, mura at mahusay ang Pasig River Ferry System para sa commuter, at makatutulong din sa disaster response, na nag-aambag ng malaking kontribusyon para maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Nabatid na ang biyahe mula sa Noveleta patungo sa Plaza Mexico Ferry Terminal sa Intramuros ay nasa 45 minuto umano lamang.
Ipinagmalaki naman ni Manuel na lahat ng kanilang ferry boat ay fully air-conditioned, may libreng WiFi, ligtas, maaasahan, accessible at gawang Pinoy.