Ni Bert de Guzman

MAY nangangamba na ang pagpapasara ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Rappler website o pagpapawalang-saysay sa corporate registration nito ay baka raw simula o prelude ng media censorship sa Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration. Noong nakaraang taon, tinawagan ng pansin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang Rappler dahil sa umano’y American ownership nito na paglabag sa constitutional provision tungkol sa pag-aari ng dayuhan sa isang media entity o kumpanya.

Ang Rappler na isang malaking online news network na kritikal sa PRRD admin ay nagpahayag na ipakikipaglaban ang karapatan laban sa rebokasyon ng rehistro nito sa SEC. Dadalhin nila ang kaso sa korte. Para sa Rappler, ang pagkansela ng SEC sa lisensiya o rehistro nito ay maituturing na “major blow to press freedom”. Inaakusahan ang Rappler ng SEC ng “deceptive scheme to circumvent the Constitution” sa pamamagitan ng pagkuha o pagtanggap ng pondo mula sa dayuhan o sa Omidyar Network ng e-bay founder na si Pierre Omidyar. Itinanggi ito ng Rappler at sinabing hindi ito pag-aari ng dayuhan.

Napapansin ng marami na basta nakainitan ka ni Mano Digong, patay kang bata ka! Ito ang impresyon ng mga political analysts at ng taumbayan. Gayunman, kapag ikaw ay nasa “good graces” niya, kahit ano mang bali-balita o bulung-bulungan na may anomalya sa tanggapan o departamento, safe ka at hindi magagalaw.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ito ang nangyari kay CHED chairperson Patricia Licuanan na noon pa pinagsabihan ni PDu30 na huwag nang dumalo sa cabinet meeting. Si VP Leni Robredo na pinagsabihan din ng ganoon ay tumalima, pero hindi si Licuanan na nagsabing mananatili siya sa puwesto dahil meron siyang termino sa CHED. Ang dahilan ng dismissal ni Licuanan, ayon sa Pangulo, ay ang malimit na biyahe sa ibang bansa na pag-aaksaya lang daw ng pera ng bayan. Itinanggi ito ni Licuanan.

Siyanga pala, inilunsad ni Manila Rep. Manny Lopez, anak ni ex-Manila Mayor Mel Lopez, ang Gawad Mel Lopez para sa natatanging Manileños sa Tondo. Parangal ito kay Mayor Mel na ang buong buhay ay inilaan para maiangat ang imahe ng Tondo at ng mga residente. Ipagkakaloob ni Rep. Manny ang Gawad parangal ngayon, Biyernes ng gabi, bisperas ng Tondo fiesta.

Naniniwala si Cong. Manny na magaganda ang mga Pinay. Naglunsad din siya ng unang BINIBINING TONDO na posibleng maging Miss Philippines at maging Miss World o Miss International. May 18 kandidata na pawang magaganda, mababango at sariwa mula sa iba’t ibang barangay.

Ang paglalabanang titulo ay Bb. Tondo 2018 may premyong P50,000; Bb Tondo Turismo (P20K); Bb. Tondo Kalikasan (P15K); Bb. Tondo Kapayapaan (P10K); Bb. Tondo Kawanggawa (P5K); at consolation prize na P2,000.

Sa pamamagitan nito, sinabi ng anak ni ex-Mayor Lopez, makatutulong siya sa pag-aangat ng moral ng taga-Tondo bukod pa sa posibilidad na ang magagandang dilag ay mapansin at manalo sa pambansang paligsahan. Abangan ang coronation night at suriing mabuti ang magagandang Tondo ladies.

Hindi ba sa nobela noon ni Andres Cristobal Cruz ay sinulat niyang “Sa Tondo man, May Langit din.” Para kay Rep. Manny: “Sa Tondo man, magaganda ang mga babae, may Binibining Pilipinas na mananalo sa Miss World/Miss International balang araw”.

Itinuring ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na isang “bugok” na desisyon ang pagpayag ng Malacañang na magsagawa ng scientific exploration ang China sa Benham Rise na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas. Ayon kay Carpio, puwede lang payagan ang China kung kikilalanin nito ang arbitral ruling sa Netherlands na pabor sa ‘Pinas tungkol sa isyu ng mga karapatan sa West Philippine Sea.