Ni ROMMEL P. TABBAD, at ulat nina Francis Wakefield at Mary Ann Santiago

Hindi maiaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad na magkaroon ng hazardous eruption ang Bulkang Mayon sa Albay sa susunod na mga araw.

Pinagbatayan ni Phivolcs Director Renato Solidum, Jr. ang walang humpay na matinding pag-aalburoto ng bulkan sa nakalipas na tatlong araw, na nagbunsod upang itaas na ito sa alert level 3 kahapon.

Isa rin sa pinagbatayan ni Solidum ang naitalang patuloy na pag-iipon ng magma sa crater ng Mayon, na nangangahulugan, aniya, na nakaamba at magiging mapanganib ang pagsabog nito.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Kahapon, sinabi naman ni Phivolcs-Region 5 head Ed Laguerta na napansin nila mula sa Mayon Volcano Observatory sa Lignon Hill na nagbuga na naman ng abo ang bulkan dakong 9:41 ng umaga kahapon.

Sunud-sunod din, aniya, ang pagragasa ng lava at mga bato sa palibot ng bulkan.

Inamin din ni Laguerta na nahihirapan sila sa pagmo-monitor sa sitwasyon ng bulkan, dahil sa makapal na ulap na bumabalot sa bunganga at paligid nito.

6,000 NAILIKAS NA

Kaugnay nito, kasalukuyang naka-Blue Alert Status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) simula 8:00 ng umaga kahapon dahil sa pag-aalburoto ng Mayon.

Ayon kay Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC executive director at Office of Civil Defense (OCD) director, mahigit 6,000 katao na ang nailikas sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, at Malilipot sa Albay.

Umapela naman sa publiko ang Simbahang Katoliko na dasalin ang Oratio Imperata for Calamity.

ORATIO IMPERATA

Ayon kay Diocese of Legaspi Social Action Director Fr. Rex Paul Arjona, mahalaga ang “spiritual intervention” ng mga mananampalataya, lalo na at apektado ang mga ito ng masamang panahon dahil sa pag-aalburoto ng bulkan.

“Bahagi talaga ‘yung spirituality sa ating paghahanda, actually ‘yung ating prayer, ‘yung Oratio Imperata for Calamity is being played almost every 30 minutes in different radio stations dito sa atin. ‘Yung Oratio Imperata kasi nagiging source ng inspiration ng mga tao,” sinabi ni Arjona sa panayam ng Radio Veritas.