Nina MARY ANN SANTIAGO at BETH CAMIA, at ulat nina Bert de Guzman at Leonel Abasola

Tuluyan nang nagbitiw sa puwesto kahapon si Commission on Higher Education (CHEd) Chairperson Patricia Licuanan matapos umano siyang makatanggap ng kautusan mula sa Malacañang na bumaba na siya sa puwesto.

150118_LICUANAN_PATRICIA_FILEPHOTO_04 copy

Inihayag ni Licuanan ang kanyang pagbibitiw sa puwesto sa flag ceremony sa tanggapan ng CHEd sa Quezon City kahapon.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon kay Licuanan, nakatanggap siya ng tawag mula sa tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nagsasabing bumaba na siya sa puwesto, kaya nagpasya siyang mag-resign na.

“Over the weekend I received a call from Executive Secretary Salvador Medialdea asking me to resign as chairperson of the Commission on Higher Education. While my term by law ends in July 2018, I have decided it is time to go,” ani Licuanan.

Kasabay nito, mariin niyang itinanggi sa harap ng nagtipong empleyado ng CHEd ang mga akusasyon ng kurapsiyon laban sa kanya.

‘FALSE AND BASELESS ACCUSATIONS’

Aniya, “[it] has become obvious that there are persons determined to get me out of CHEd by hurling false and baseless accusations against me in what appears to be a fishing expedition and a well-orchestrated move in media.”

Una nang napabalita ang labis umanong pagbiyahe ni Licuanan sa labas ng bansa, na isa sa mga ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Paglilinaw ni Licuanan, ang lahat ng kanyang biyahe abroad ay aprubado ng Malacañang.

Nabatid na noong nakalipas na taon, walong beses na nagbiyahe si Licuanan palabas ng bansa at lima lamang sa mga ito ang ginastusan ng gobyerno.

TINANGGAP NG PANGULO

Kasabay nito, sinabi kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na natanggap na ni Pangulong Duterte ang resignation letter ni Licuanan bandang 8:00 ng umaga kahapon, sa pamamagitan ng email.

“I wish to announce that the President has received the resignation of CHEd Chairperson Patricia Licuanan, and that it will be accepted by the President,” sinabi kahapon ni Roque. “It was received at 8 o’clock in the morning by email. A hard copy is forthcoming. I’ve not seen the copy of the forthcoming. I’ve been advised, though, that since it’s been received, it will be accepted.”

Sinabi ni Roque na pansamantala ay ang most senior commissioner ng CHEd ang hahalili kay Licuanan “in acting capacity”.

Hindi rin kinumpirma ni Roque kung tinawagan nga ni Medialdea si Licuanan upang pagbitiwin sa puwesto ang huli, at idinagdag na hindi na iimbestigahan ang mga kontrobersiyang ipinupukol sa dating CHEd chief.

“Her resignation has rendered all controversies be moot, and I don’t feel compelled to issue any statement in that regard,” ani Roque.

KANYA-KANYANG REAKSIYON

Kaugnay nito, sinabi kahapon ni House Assistant Majority Leader Jericho B. Nograles na makabubuti ang pagre-resign ni Licuanan dahil mapapadali ang implementasyon ng mga repormang nais ni Pangulong Duterte para magkaloob ng libre at de-kalidad na edukasyon sa mga Pilipino.

“The resignation of the chairperson will give CHEd a fresh start. I hope to see urgent reforms taking place in the commission,” ani Nograles, at nagpasalamat sa serbisyo ni Licuanan.

Nanghihinayang naman si Senator Bam Aquino kay Licuanan, na aniya ay malaking kawalan sa CHEd, bilang katuwang niya sa pagsasabatas ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o libreng matrikula sa mga state universities and colleges (SUCs).

Maging si Sen. Sherwin Gatchalian, na kilalang kontra kay Licuanan, ay nalungkot din sa pagbitaw nito at umaasang ang papalit ay kaagad na ipatutupad ang mga repormang nasimulan ng dating CHEd chief.