Five-home game, nakumpleto ng Timberwolves
MINNEAPOLIS (AP) — Nakumpleto ng Timberwolves ang dominasyon sa limang laro sa home game nang maapula ang Portland TrailBlazers, 120-103, nitong Linggo (Lunes sa Manila).Hataw sina Jimmy Butler at Jeff Teague sa naiskor na 24 at 22 puntos, habang naitala ni Karl-Anthony Towns ang 20 puntos at 11 rebounds para sa ika-37 career double-double ngayong season.
Nakopo ng Wolves ang unang 5-0 mark sa home game sa unang pagkakataon mula noong 2001 matapos ngatain ang New Orleans, Cleveland, Oklahoma City at New York.
Nagwagi sila sa double digits na bentahe. Laban sa Blazers, umabante sila sa pinakamalaking 26 puntos na bentahe.
Nanguna si Damian Lillard sa Blazers sa nakubrang 21 puntos, habang tumipa sina C.J. McCollum at Pat Connaughton ng tig-18 puntos.
PACERS 120, SUNS 97
Sa Phoenix, tinakluban ng Indiana Pacers, sa pagunguna ni Darren Collison na kumana ng 19 puntos, ang Phoenix Suns.
Hataw din si Victor Oladipo sa naiskor na 17 puntos, tampok ang 13 sa first half para sa ikalawang sunod na panalo at ikaapat sa huling limang laro. Nag-ambag sina Cory Joseph ng 16 puntos at Bojan Bogdanovic ng 14 puntos para sa Indiana, galing sa malaking panalo sa Cleveland Cavaliers.
Naitala ni rookie Josh Jackson ang career-best 21 puntos para sa Phoenix, nabigo sa ikaapat na pagkakataon sa limang laro. Kumana rin si Devin Booker ng 15 puntos.
Sa kabila nang masamang opensa ng Phoenix, naitala naman ng 17-year NBA veteran na si Tyson Chandler ang 14 rebounds para maging ika-40 player sa talaan ng NBA na may 10,000 career rebounds (10,003).
Sumabak ang Suns na wala ang second-leading scorer na si T.J. Warren.
PELICANS 123, KNICKS 118 OT
Sa New York, ratsada si Anthony Davis sa season-high 48 puntos at 17 rebounds para sandigan ang New Orleans Pelicanskontra sa Knicks sa overtime.
Nag-ambag si Jrue Holiday ng 31 puntos, habang tumipa si DeMarcus Cousins ng 15 puntos, 16 rebounds, pitong steals at limang assists para sa Pelicans. Naghabol ang Pelicans sa 16 puntos sa first period at nanatiling nasa likuran sa huling apat na minuto.
Ngunit, mas naging determinado ang Pelicans sa extra period para makumpleto ang come-from-behind win.
“I thought we did a great job in the overtime,” sambit ni Pelicans coach Alvin Gentry. “AD was just huge for us, and when you get into those zones like that he’s really good.”
Kapwa umiskor sina Kristaps Porzingis at Tim Hardaway Jr. ng tig-25 puntos para sa Knicks, nabigo sa ikatlong sunod at ika-10 sa huling 12 laban. Humugit si Jarrett Jack ng season-high 22 puntis at tumipa si Enes Kanter ng 18 puntos at 10 rebounds.
“I think we’ve just got to do a better job of when we’re up 12, 15 points, we’ve got to take it to another level, another notch,” pahayag ni Hardaway. “We haven’t been doing that these last couple of games.”
HEAT 97, BUCKS 79
Sa Miami, naisalpak ni Goran Dragic ang 25 puntos, tampok ang 11 sa fourth quarter, para pangunahan ang Heat sa pagtusta sa Milwaukee Bucks.
Hataw din si Josh Richardson sa naiskor na 16 puntos, at tumipa si Hassan Whiteside ng 15 puntos at 10 rebounds para sa Heat, naghabol sa 43-41 sa half, bago nangibabaw sa 41-21 run sa unang 16 minuto ng second half.
Nanguna si Giannis Antetokounmpo sa Bucks na may 22 puntos.