Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Inihayag ng Malacañang na kung igigiit ng Kongreso ang isang transitory government batay sa isinusulong ng pamahalaan na federalism, kakailanganing maghanap ng bagong pinuno dahil hindi interesado si Pangulong Duterte na palawigin pa ang kanyang termino.

Sa press briefing sa Cebu City, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagpahayag na ang Presidente na nais nitong paiksiin ang termino.

“The President has said that he wishes to finish his term. He wants to cut short his term, he does not intend to lengthen his term,” sabi ni Roque. “So if his party-mates would insist on a transitory provision that will require the President to serve longer, the President has said that he is not interested. They may have to ask another person in the government for that.”

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Una nang sinabi ng Malacañang na ang pagbabago sa uri ng pamahalaan sa federal form na lang ang hindi pa natutupad sa limang ipinangako ng Pangulo noong nangangampanya pa siya sa pagkapangulo noong 2016.

Dati nang nilinaw ni Roque ang pangamba ng ilan na magkakaroon ng diktadurya sa bansa sa federal na uri ng gobyerno.

“The President has no wish to extend his term and has said that on the contrary, he is open to shortening it if and when constitution is amended,” sagot ni Roque sa isang text message.

Una nang tiniyak ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na hindi magkakaroon ng diktadurya sa bansa kapag federal na ang ating pamahalaan.

“Kitang-kita naman natin sa body language, mga sinasabi mismo ni Presidente literally na number one na talagang hindi niya ginustong maging Pangulo ng bansa. Number two, kung maipasa na iyong federalism ay handa na siyang bumaba sa puwesto,” sabi ni Andanar.

“Paulit-ulit sinasabi ‘yan ni Presidente Duterte, at ako ay naniniwala na talagang gagawin niya iyon. Bababa siya sa puwesto once na ang federalism ay ma-implement na sa bansa natin,” dagdag pa ni Andanar.