By Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia
Sa paglaya ng Marawi City, Lanao del Sur mula sa limang buwang bakbakan laban sa mga teroristang kaalyado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ay tumaas ang net trust rating ni Pangulong Duterte, sinabi ng Malacañang nitong Biyernes.
Iniulat ng Social Weather Stations (SWS) na umani si Pangulong Duterte ng +75 puntos nitong 2017 last quarter net trust rating. Sa nasabing bilang ay muling nabawi ni Duterte ang ‘excellent’ rating matapos na makakuha lang ng +60 noong Setyembre, 2017.
Ipinagdiinan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sa press briefing sa Valencia City, Bukidnon, na ipinakikita ng ratings na kuntento ang publiko sa mga ginagawa ng Pangulo sa lahat ng socio-economic classes, sa lahat ng education levels sa urban at rural areas.
Sinabi ni Roque na ang tagumpay ng pamahalaan laban sa Maute-ISIS sa Marawi City ay isa sa mga nakatulong sa pagtaas ng +15 puntos sa rating ng Pangulo.
“I think the fact that he has shown that he can exercise political will to defeat terrorists and violent extremist in Marawi; the fact that people’s optimism is at all-time high; the fact that manufacturing output is at all-time high.
So all this indicate that the economy is growing as he’s promised,” ani Roque.
Nitong linggo, ikinalugod ng Malacañang ang mataas na ratings ni Pangulong Duterte sa isa pang SWS survey na nagpapakitang 70% ng 1,200 respondents ay naniniwalang mas maayos mamuno si Duterte kaysa kay dating Pangulong Benigno Aquino III.