ni Bert de Guzman

NANINIWALA ang maraming mamamayan na kahit itumba o mapatay nina Pres. Rodrigo Roa Duterte at PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa ang sinasabing apat na milyong drug pushers at users sa buong Pilipinas, hindi pa rin ganap na masusugpo ang illegal drugs habang buhay na buhay at aktibo ang shabu smugglers, drug lords at big-time suppliers.

Mawala man at mailibing sa hukay ang apat na milyong pushers at users, siguradong may susulpot na tulak at adik habang may mga ibinebentang shabu, cocaine at iba pang bawal na droga sa mga kalye, eskinita, barangay at sulok-sulok na lugar. Solusyon (kung may solusyon nga) ay sikapin nina PRRD at Gen. Bato na pag-usigin, ihabla at ipakulong ang mga panginoon at supplier ng droga, o kaya ay itumba sila.

Totoo bang ang Philippine National Police (PNP) ang tagapangalaga o protector ng mga Pinoy o sila ang berdugo/killer ng mga mamamayan? Bakit ‘ka n’yo? Isipin ninyo ang nangyari sa walang habas na pagbaril ng mga pulis-Mandaluyong noong Biyernes sa isang van na may lulang sugatang babae na dadalhin sa ospital.

Katakut-takot na putok ang pinakawalan ng mga pulis sa van na napagkamalang isang getaway vehicle ng mga kriminal nang hindi muna nila sinuri kung talagang mga armado ang lulan ng van. Dalawa ang napatay, dalawa ang sugatan at tatlo ang survivors sa van na hindi man lang sinuri ng mga pulis kung talagang mga kriminal ang lulan nito samantalang humihiyaw ang mga pasahero na maghahatid sila ng pasyente sa pagamutan.

Maging si NCRPO chief Director Oscar Albayalde ay naniniwalang “overkill” ang ginawang pagratrat ng pulis-Mandaluyong sa van bunsod ng maling impormasyon ng mga tanod ng barangay sa Addition Hills, sa Mandaluyong City. Dapat ding papanagutin ang mga tanod ng barangay dahil kung hindi sa kanilang maling impormasyon, hindi sana naganap ang krimen. Dapat ding usigin ang nakaalitang grupo ng napatay na babae dahil lang sa parking, at nagsumbong sa mga barangay tanod na ang van ay lulan ng mga armado.

Para kay Sen. Antonio Trillanes IV, ang kasong sibil na isinampa laban sa kanya nina Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte at Atty. Mans Carpio, ginoo ni Mayor Sara Duterte, ay maituturing na “harassment by the scoundrels.” Galit sina VM Pulong at Mans Carpio kay Trillanes dahil sa alegasyon na sila ay sangkot sa P64 na bilyong shabu smuggling sa Bureau of Customs.

“It’s nothing but another harassment suit because our corrupt and coopted justice system have become the refugee of the Duterte scoundrels,” mahayap na parunggit ng senador. Inakusahan niya ang mga Duterte na protector ng drug syndicates. Pinabubulaanan ito ng mga Duterte, partikular ni Pulong, sa pagdinig ng Senado noong Setyembre 7.

Kapuri-puri ang paglagda ni PRRD sa Disyembre 8 kada taon bilang isang non-working holiday o pista opisyal sa buong bansa. Ang petsang ito ay “Feast of Immaculate Conception of Mary”. Alam ba ninyong si Santa Maria (ina ni Jesus) o Virgin Mary ang “Patroness of the Philippines” o patron ng ating bansa?

Kanais-nais na hakbang at desisyon ito ni Mano Digong upang matuwa at masiyahan ang Simbahang Katoliko na malimit ay target ng kanyang insulto at pagmumura. Sana ay gumanda ang relasyon nina PDu30 at ng kaparian o CBCP ngayong 2018. Kapag nangyari ito, ito ang Tunay na Pagbabago!