ni Clemen Bautista
LIKAS sa ating mga Pilipino ang magpahalaga sa ating minanang mga tradisyon at kaugalian. Nag-ugat na sa ating kultura. Kaya kapag sumasapit o dumarating ang panahon ng pagdiriwang, hindi nakaliligtaan na bigyang-buhay, pagpapahalaga, pag-ukulan ng panahon, at ginugugulan ng salapi. May krisis man ang panahon o wala, tiyak at patuloy ang gagawing pagdiriwang.
Nakalulugod mabatid na ang mga Pilipino ay ipinakikita ang magandang pagpapahalaga sa tradisyon. Mababanggit na halimbawa ang pagdiriwang ng Bagong Taon. Sa kaugaliang Pilipino, palibhasa’y bahagi na ng tradisyon, ang pagsapit at pagsalubong sa Bagong Taon ay laging inihuhudyat ng maingay,masayang kalembang ng mga kampana sa simbahan, ingay ng mga hinihipang torotot, sagitsit ng lusis, at putok ng mga kuwitis. Malakas na putok ng mga rebentador at iba pang uri ng pyrotechnics.
At sa mga bayan sa lalawigan, tulad sa Rizal, ang Bagong Taon ay sinasalubong ng pagkalampag at pagkaladkad ng mga sirang batya at timba, at pagpalo ng mga takip ng kaldero sa paniwalang ang Bagong Taon ay dapat salubungin ng ingay at saya upang maging sagana ang biyaya at pag-asa. At maitaboy na rin ang masamang kapalaran.
Minsan pa, kahit may pagbabawal na sa paggamit ng mga paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, hindi rin napigil ang paggamit ng mga paputok. Sinalubong ang Bagong Taon ng mga putukan. Marami naman ang nagpasalamat na dahil sa pagbabawal, nabawasan ang naging biktima ng mga paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Natakot na rin ang mga pulis na magpaputok ng kanilang mga baril. Ayon kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa, walang naiulat na biktima ng stray bullet o ligaw na bala. Sa mga nakalipas na pagsalubong sa Bagong Taon, may nasusugatan at namamatay sa tama ng ligaw na bala mula sa baril ng ilan bugok, pasaway at tarantadong pulis.
Sa kaugalian at paniniwalang Pilipino, ang paglikha ng ingay sa pagsalubong sa Bagong Taon ay hudyat ng paghahangad ng masaganang buhay at magandang kapalaran. Isang Bagong Pag-asa at Bagong Pagkakataon.
At sa gabi ng bisperas ng Bagong Taon, isang paraan ng magandang pagsalubong ng marami natin kababayan ay ang pagsisimba. Isang magandang pagkakataon na magpasalamat sa Diyos sa mga blessing o biyayang natanggap sa loob ng isang taon. Taglay din sa puso at damdamin ang pananalig ng patuloy na patnubay ng Diyos sa paglalakbay sa buong isang taon. Matapos magsimba’y pinagsaluhan ng mag-anak ang inihandang pagkain sa Media Noche.
Bago sumapit ang Bagong Taon, batay sa survey ng Social Weather Statiion (SWS), lumutang na 96 na porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing sasalubungin nila ang 2018 nang may pag-asa sa halip ng pangamba. Natuwa naman ang Malacañang na positibo ang pananaw ng maraming Pilipino sa papasok na taon.
Ayon sa tambolero ng Malacañang na si Harry Roque, “The prospects for the future thus look bright. We therefore ask our citizen to help the Administration in laying down the foundation of a prosperous and peaceful nation.”
Sinabi pa ng tambolero ng Malacañang na makaaasa ang publiko sa 2018 dahil sa implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act na hindi bubuwisan ang mga kumikita ng P21,000 pababa kada buwan. Marami naman ang nagsabi na hindi na nga bubuwisan ang kumikita ng nasabing halaga ngunit parurusahan naman sa pagtataas ng mga presyo ng bilihin, lalo na ang mga ginagamitan ng asukal.
Paalam, 2017! Maluwalhating pagdating, 2018! Sa pagsapit ng Bagong Taon, ang Bagong Pag-asa ay maging isa na sanang makulay at maaaliwalas na liwanag sa puso ng bawat Pilipino. Makaaahon na sa pagdaralita. Hindi na magiging biktima ng panlilinlang at pagsisinungaling ng mga sirkero at payaso sa pamahalaan.