MAYROONG kasabihan: “The law may be harsh but it is the law.” Ito ang usaping legal na hinarap ng himpilan ng pulisya sa Sta. Ana, Maynila nang nitong Disyembre 10 ay dinala sa presinto ng security chief ng isang supermarket ang isang empleyado sa establisimyento dahil umano sa pagnanakaw ng isang lata ng corned beef na nagkakahalaga ng P31.50.
Sinabi ng lalaki na alam niyang mali ang kanyang ginawa, pero dakong 5:40 ng hapong iyon ay hindi pa siya nanananghalian hanggang sa natukso siyang umitin ang isang lata ng corned beef mula sa pinagtatrabahuhang supermarket. Pero nakita siya ng security guard.
Sinabi ng pulis sa presinto na hindi nila alam kung ano ang gagawin. Batid nilang nalabag ang batas. Subalit para ikulong ang isang lalaking nagawang mang-umit ng isang lata ng corned beef na nagkakahalaga ng P31.50 dahil sa matinding gutom? Sa panahong ito na maraming kaso laban sa mga opisyal ang nakasampa sa korte at kinasasangkutan ng milyun-milyon at bilyun-bilyong piso.
Ngunit sinabi ng pulisya na kailangan nilang sumunod sa batas, kaya naghain sila ng reklamong qualified theft laban sa lalaki at ikinulong ito sa loob ng walong araw hanggang sa makakalap ang ina nito ng P2,000 para mapiyansahan ang anak.
Nag-viral sa social media ang kuwento at marami ang nag-alok ng tulong. Kabilang sa mga nagsalita tungkol sa isyu si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, bise presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. “For heaven’s sake,” aniya, “let’s get this man out of jail!”
Ang kuwentong ito sa Sta. Ana ay nagpapaalala sa atin ng istorya sa Bibliya nang isang babae ang hinatulang mamatay sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpukol ng bato sa kanya sa salang pakikiapid, batay sa umiiral na batas. Hindi iginiit ni Hesus na labagin ang batas. Sinabi lamang niya: “Let him who has no sin cast the first stone.”
Nariyan din ang kuwento ni Jean Valjean sa nobela ni Victor Hugo noong 1862, ang ‘Les Miserables’. Sinentensiyahan si Valjean ng 19 na taong pagkakabilanggo dahil sa pagnanakaw ng tinapay upang ipakain sa nagugutom niyang pamangkin. Binibigyang-diin ng mga kuwentong ito ang ideyalismo ng pagpapataw ng hustisya sa istriktong pagtalima sa batas laban sa katarungan para sa sangkatauhan.
Sa kaso ng supermarket clerk sa Sta. Ana, nakulong siya sa pagnanakaw ng lata ng corned beef na nagkakahalaga ng P31.50 dahil sa matinding gutom, na modernong bersiyon ni Jean Valjean sa Les Miserables. Isang kuwentong karapat-dapat na pagnilayan ngayong Pasko o panahon ng pagsilang ni Kristo, na kalaunan ay nagligtas sa babaeng nagkasala at hinatulang mamatay nang makahanap siya ng paraan upang manaig ang pagmamahal at malasakit sa kapwa laban sa istriktong pagtalima sa batas.