Patay ang isang 18-anyos na lalaki matapos mabaril sa rambulan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Tinangka pa ng mga doktor ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center na isalba ang buhay ni Aldrin Lacaba, alyas Indek, ng Building 28 Temporary Housing, Aroma, sa Tondo, ngunit nasawi rin dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Samantala, naaresto naman ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 1 ang suspek na si alyas Jimmy, 17, ng Building 34, Unit 24, Aroma Compound, sa Tondo.

Ayon kay homicide prober PO3 Ryan Jay Balagtas, nagkasagupa ang grupong kinabibilangan ng biktima at ang grupo ng suspek sa tapat ng isang gasolinahan sa Jacinto Street, na sakop ng Barangay 105, Zone 8, sa Tondo, dakong 12:20 ng madaling araw.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nagkataon namang nagpapatrulya sa lugar ang grupo ni PO2 Michael Datur, ng Smokey Mountain Police Community Precinct, kaya nang mamataan ang kaguluhan ay agad rumesponde.

Gayunman, bago pa man nakalapit ang mga pulis ay nakarinig na sila ng putok ng baril at nagsikaripas ang mga kabataan sa iba’t ibang direksiyon habang naiwang nakabulagta ang biktima.

Namataan ng mga pulis ang suspek na may dalang baril kaya ito ang hinabol at inaresto nila.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang improvised hand gun o sumpak. - Mary Ann Santiago