ni Celo Lagmay
NGAYONG Disyembre, hustong 107 taong-gulang na sana si Tata Rico, ang aming ama, kung siya ay nabubuhay pa. Buwan ding ito nang siya ay sumakabilang-buhay sa edad na 95. Si Tata Rico, tulad ng lahat ng ama, ay marapat lamang dakilain sa kanyang kaarawan sa lahat ng pagkakataon dahil sa kanilang makatao at makabuluhang pamamatnubay sa kanyang mga mahal sa buhay.
Si Tata Rico ay isinilang na isang magsasaka at pumanaw na isang magsasaka. Mula sa Batac, Ilocos Norte, nandayuhan sa barangay Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija at ‘nakisama’; ito ang tawag sa mga magbubukid na nakikisaka sa lupain ng mga asyendero; mistulang nagpaalipin sa mga landlords sa loob ng maraming dekada.
Napilitan siyang tumigil sa pagsasaka dahil sa katandaan o old age. Iniukol ang nalalabing panahon ng kanyang buhay sa pagbabasa ng Bibliya – Banal na Aklat na iniregalo (mas angkop yatang sabihin ipinamana) namin sa kanya.
Sa kabilang dako, maliban sa pagsasaka na ipinamana sa amin ni Tata Rico, ipinamana rin niya sa amin ang mga biblical quotes o mga tala sa Bibliya. Ang balumbon ng naturang mga tala na nasusulat sa mga notebooks na natagpuan namin sa kanyang silid ay mataman kong binasa.
Maliban sa bahagyang pagtutuwid, malinaw at malaman ang kanyang pagbibigay-diin sa kawikang ‘ang iyong kakainin ay dapat manggaling sa iyong pawis’. Nais niyang palitawin na bunga lamang ng ating kapaguran ang dapat nating ipakain sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay.
Ibinigay niyang mga halimbawa ang talamak na pakikisawsaw ng ilang matataas na opisyal ng gobyerno at ilang pulitiko sa kontrata sa mga pagawaing-bayan o public works contract sa masakim na hangaring makabahagi ng limpak-limpak na salapi na hindi nila pinagpaguran. Dahilan ito kung bakit matindi ang patong o overprice ng mga kontrata; kaakibat ng paggamit ng mga materyales na mababa ang uri.
Tinukoy din ni Tata Rico ang pagmamalabis ng ilang malalaking negosyante, lalo na ang mga may-ari ng mga gasolinahan na walang patumangga sa pagpapatong ng mataas na presyo sa kanilang mga produkto; walang inaatupag kundi magkamal ng nakalululang pakinabang o profit; walang malasakit sa sambayanan, lalo na ang mga nakalugmok sa karalitaan. Mga kapitalista na walang inaalagata kundi magpasasa sa dugo ng iba.
Ang ganitong nakadidismayang pagsasamantala ay naganap sa nakalipas na mga administrasyon. Kung si Tata Rico ay nabubuhay pa, natitiyak ko na ikagagalak niya ang maigting na paglipol ng Duterte administration sa lahat ng uri ng katiwalian at pagmamalabis sa gobyerno.
Ito, sa kabilang dako, ang dapat na maging pamana ng kasalukuyang pamunuan sa sambayanang Pilipino na ginigiyagis ng mga salot ng lipunan.