Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA
TUWING Disyembre 1, kakaibang mga selebrasyon ang matutunghayan bilang simula sa mga aktibidad ng Christmas in Baguio sa Summer Capital, na nagiging popular at kinakaugalian na ring dayuhin ng mga turista.
Sa araw ng pagsisimula ng selebrasyon, isinasara sa trapiko ang magkabilang kalsada ng Session Road, upang bigyang daan ang mga residente at turista na makapaglakad-lakad at masaksihan ang mga makasaysayan at mahahalagang event sa araw na ito.
Ang Silahis ng Pasko ay taunang sinisimulan ang Children-Parents Mardigras, sa pamamagitan ng parada ng umaaabot sa 4,000 daycare pupils na may kanya-kanyang suot ng Nativity costume at mga Christmas attire ng alas 8:00 ng umaga.
Pagkatapos ng parada ay patuloy ang mga aktibidad sa Session Road, may mga concert na mapapanood habang hinihintay ang pagsapit ng gabi, para sa ceremonial lighting ng 24-meter na giant Christmas tree sa Rose Garden, Burnham Park, dakong alas 6:00 ng gabi, na sinusundan ng fireworks display.
Ang tinaguriang night crowd drawer event sa siyudad Lighted Lantern Parade ng mga faculty at estudyante ng Saint Loui’s University (SLU) tuwing Disyembre 1, ngayon ay nasa ika-9 na taon na.
Ang malalaking event ng Silahis ng Pasko at Lantern Parade ay ibinilang na ng city government sa activities ng Christmas in Baguio, sa layuning mapaigting pa ang turismo sa lungsod tuwing Yuletide Season.
Ang naunang activity na ipinamalas sa mga residente ay ang kauna-unahang Christmas lights and sound show sa People’s Park noong Nobyembre 29, na tuwing gabi ay nagbibigay aliw sa mga namamasyal.
Ang mga kadete ng Philippine Military Academy na katuwang din sa activities ng Silahis ng Pasko tuwing unang linggo ng Disyembre ay nagbibigay kasiyahan sa mga manonood sa kanilang ipinamamalas na galing sa Silent Drill Exhibiton sa Melvin Jones Football ground at sa hapon ay ang concert ng PMA Band sa People’s Park.
Ang ilan sa malalaking business establishments ay nagpapakita rin ng suporta sa Christmas in Baguio celebration, gaya ng SM Baguio sa kanilang Blossom of Lights Fireworks display tuwing Sabado ng gabi at ang Porta Vaga sa kanilang city of lights façade buildings sa Session Road.