PINANGUNAHAN ni Pope Francis nitong Martes ang isang espesyal na misa para sa kapistahan ng Birhen ng Guadalupe, isang morenang Birhen na nagpakita sa isang magsasakang Indian noong 1531 sa burol malapit sa ngayon ay Mexico City.
Sa aparisyon, umapela ang Birheng Maria sa mga mananampalataya — at sa buong mundo — na itrato nang may respeto at dignidad ang mga katutubo, kababaihan, magsasaka, migrante, walang trabaho at maralita dahil karapat-dapat sila.
Ang ideya ng Simbahan ay katutubo, mestiso, at itim, aniya. “We want to be a Church with a mestizo, peasant or suburban, a face that is poor, unemployed, of children, old and young, so that no one feels sterile or shameful or worthless.”
Muli, isa na naman itong panawagan para sa mga migrante sa North Africa at Gitnang Silangan na nagsisikap na bumangon at magsimulang muli sa Europa. Isa itong apela para sa mahihirap, para sa maiitim ang balat na itinataboy ng mga gaya ng “white supremacists” ng Amerika.
Kalaunan, ang morenang Birhen ng Guadalupe ay naging simbolo ng pagkakaisa para sa iba’t ibang mamamayan ng South America na pumalag sa pananakop ng Espanya. Siya rin ang Reyna de Filipinas sa mga panahong pinaplano ng bansa ang pag-aaklas laban sa pananakop, na nagbunsod ng Rebolusyon sa Pilipinas noong 1896.
Ang mensahe ni Pope Francis tungkol sa kapistahan ng Birhen ng Guadalupe ay isang malugod na paalala sa mahalagang panahong ito sa kalendaryo nating mga Kristiyano — ang panahon ng Adbiyento. Nairaos na natin ang unang Linggo ng Adbiyento na may mensahe ng pag-asa, at ang ikalawa na may mensahe ng pagmamahal, at ang ikatlo — ngayong Linggo — na may mensahe naman ng kaligayahan. Ang ikaapat na Linggo ng Adbiyento ay may mensahe ng kapayapaan.
Kahapon, Disyembre 16, ay una sa siyam na araw ng Simbang Gabi o mga misa sa madaling-araw na ipinagdiriwang sa mga Simbahan sa iba’t ibang panig ng bansa. Isa itong napakagandang tradisyong Pamasko na ginagawa rin sa Mexico at sa iba pang mga bansa. Para sa maraming Pilipino, ito ang tunay na simula ng Pasko, na nagtatapos sa misang panggabi sa bisperas ng Pasko.
Sa nakalipas na mga buwan, tumuon ang atensiyon ng bansa sa mga balita tungkol sa mga patayan kaugnay ng kampanya kontra droga, sa bakbakan sa Marawi City, sa serye ng tigil-pasada, sa impeachment laban sa iba’t ibang opisyal, sa mga debate tungkol sa batas militar, at sa panganib na hatid ng bakuna kontra dengue. Inaasahan nating ang lahat ng ito ay maisasantabi, marahil kahit hanggang sa susunod na taon.
Sa ngayon, pakinggan natin ang apela ni Pope Francis para sa mga migrante at sa iba pang mahihirap sa mundo, at ang mga mensahe ng pag-asa, pagmamahal, kaligayahan at kapayapaan ngayong panahon ng Adbiyento. Makiisa tayo sa mga mananampalataya sa siyam na araw ng pagpupuri sa mga Simbang Gabi, at sa Pasko ay buong lugod nating ipagdiwang ang okasyon na pinaglaanan ng lahat ng paghahandang ito, ang pagsilang ni Kristo.