Ni Bert de Guzman
PARA sa Philippine National Police (PNP) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP), dapat palawigin pa ng isang taon ang martial law sa Mindanao sapagkat patuloy ang banta ng terorismo. Para naman sa opposition congressmen, walang basehan para hilingin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa Kongreso na ma-extend ang ML sa Mindanao.
Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, isang oposisyonista, wala nang “actual invasion or rebellion” sa Mindanao sapagkat mismong si PRRD raw ang nagdeklara na “liberated” na ang Marawi City mula sa Maute Group at kaalyadong ISIS, dalawang buwan ang nakalilipas.
Ayon sa kongresistang Uragon, ang planong ML extension sa Mindanao ay “constitutionall infirm, both as to grounds and duration”. Ang martial law ay maaari lang umanong ideklara at mapalawig kapag may pananakop o invasion at rebelyon upang maprotektahan ang kaligtasan at seguridad ng taumbayan. Para sa akin, okey lang ang ML extension sa Mindanao, pero huwag naman sanang ideklara ito ni Mano Digong sa Visayas at Luzon.
Ilang kandidato sa Miss Universe ang nakalasap ng Pinoy hospitality, kabilang sina Miss Universe Demi-Leigh Nel-Peters at Miss Great Britain Anna Burdzy, na nagtungo sa Batanes. Bukod sa Batanes, nagtungo rin ang pinakamagagandang dilag sa mundo sa Camiguin at Bohol.
May ibinulong sa akin ang kaibigang palabiro ngunit sarkastiko: “Sana ay matikman din ni Ms. Nel-Peters at ng iba pa, ang mainit na pagmamahal at ang matigas na paninindigan ng kalalakihang Pinoy.” Makahulugan ang mga salitang “mainit at matigas” ng kaibigan na inayunan naman ni senior-jogger na kahit mahigit 60-anyos na ay kaya pa raw niya.
Kung sa bagay, kilala ang kalalakihang Pinoy sa buong mundo sa “init magmahal at sa tigas na taglay” kumpara sa kalalakihan ng ibang lahi. By the way, nagtungo naman sa Camiguin sina Lauren Howe ng Canada, Nicky Opheij ng Netherlands, Manuela Bruntraeger ng Singapore, Maria Polverino ng Italy, Shraddha Shashidhar ng India, Sofia del Prado ng Spain, Kara McCullough ng US at Cho SeWhee ng Korea.
Sa Bohol, kasama ni Miss PH Rachel Peters sina Miss Russia Kseniva Alexandrova at Miss Malaysia Samantha James. Tunay na magaganda ang maraming lugar sa ‘Pinas, kasingganda ng mga dilag sa mundo. Ano pa ang hinihintay ninyo kalalakihang Pilipino, kilos na at ligawan ang Miss Universe candidates, gayahin si Virgilio Hilario na niligawan at napaibig ang unang Miss Universe na si Armi Kuusela ng Finland. Ipamalas at ipadama ninyo ang “init at tigas” ng pagmamahal!