Ni Leslie Ann G. Aquino
Kinuwestiyon kahapon ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang paglalagay ng malaking litrato ni Pangulong Duterte sa identification card (ID) ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, dapat na litrato lamang ng OFW ang nasa ID card.
“ID has only picture and picture of the bearer, that is to physically identify the bearer as he or she is the person,” sinabi ni Santos sa panayam. “What is the use of having the picture of the president?”
Ang lagda ni Duterte bilang pangulo, aniya, ay “sufficient” at higit pa sa “enough”.
“But ID with picture of President could lead to questions politicking and ‘epal’,” giit ni Santos.
Matatandaang inulan din ng batikos mula sa netizens ang malaking litrato ng Pangulo sa OFW ID.
Gayunman, sinabi ng obispo na suportado ng Simbahan ang OFW ID dahil sa malaking benepisyo nito sa mga Pinoy sa ibang bansa.
Una nang inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na maaari nang makuha ang iDOLE OFW ID card.