Ni Clemen Bautista

ANG ika-8 ng Disyembre ay isang mahalagang araw, batay sa liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, sapagkat pagdiriwang ito ng kapistahan ng Immaculada Concepcion o ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria.

Sa mga Katoliko ito ay isang holy day of obligation. Hindi lamang sa iniibig nating Pilipinas kundi maging sa buong daigdig. At kahapon, tulad ng nakaugalian, ipinagdiwang ang kapistahan ng Immaculada Concepcion. Naging bahagi ng pagdiriwang ang siyam na araw na nobena sa mga simbahan na naroon ang imahen ng Mahal na Birhen ng Immaculada Concepcion. Ito ay nagsimula noong ika-30 ng Nobyembre at natapos ng Disyembre 7.

Tampok na bahagi ng pagdiriwang ang mga misa sa mga simbahan sa iba’t ibang parokya sa mga bayan at lalawigan at ang prusisyon ng imahen ng Mahal na Birhen ng Immaculada Concepcion. Una rito, noong unang Linggo ng Disyembre, idinaos ang Grand Marian Procession sa Intramuros, Maynila. Umabot sa 100 imahen ng Mahal na Birhen ang nakiisa sa prusisyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nagsimula sa harap ng Manila Cathedral na dambana ng Mahal na Birhen ng Immaculada Concepcion, isa sa patroness ng Pilipinas. Ang isa pang patroness ng Pilipinas ay ang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. Ang pananalangin sa Immaculada Concepcion ay nagsimula noong Pebrero 8, 1578 nang iutos ni Pope Gregory XIII na itayo ang Manila Cathedral sa ilalim ng tawag na “Shrine of the Immaculate Conception.

Ang Immaculada Concepcion ay isang dogma (doktrina ng paniniwala) na ipinahayag ni Pope Pius IX noong Disyembre 8, 1854. Ang dogma ay inisyu sa isang “Papal Bull” na may pamagat na “Ineffabilis Deus” (Hindi Maisaysay na Diyos).

Nagpapahayag na: “The most Blessed Virgin Mary in the first instant of her conception, by ay singular grace and privilege granted by Almighty God, in view of the merit of Jesus Christ, the saviour of the human race was preserved free from all stain of original sin”. Iginawad sa Mahal na Birhen ang ekstraordinaryong pribilehiyong ito dahil sa kanyang kakaibang tungkulin sa kasaysayan bilang Ina ng Diyos.

Ang dogma ay nagtamo ng karagdagang kahalagahan mula sa apparition o pagpapakita ng Mahal na Birhen ng Lourdes noong Pebrero 11, 1858 kay Saint Bernadette. Ang magandang babae ay nagsabing “I am the Immaculate Conception”. Mahabang panahon ang nagdaan bago naging ganap na doktrina ng Immaculada Concepcion. Naging sentro ng theological debate o pagtatalo. Gayunman, ang debosyon sa Mahal na Birhen ay nagpatuloy hanggang sa pinanatili ang paniniwala na ang Ina ni Jesus ay hindi nabahiran ng kasalanan.

Noong 1439, pinatotohanan ng Counil of Basle na ang Immaculada Concepcion ay isang moral na paniniwala katulad ng pananampalatayang Katoliko. Nagsimula ang kapistahan noong ikasiyam na siglo. Pinalaganap ni Pope Sixto IV noong 14 76. Pinagtibay ng Council of Trent makalipas ang tatlong siglo.

Ang mga Pilipino ay may malalim na debosyon sa Immaculada Concepcion. Sa panahon ng mga krisis at iba’t ibang pagsubok sa buhay, ang debosyon ay hindi naglalaho. Naniniwalang ang Mahal na Birhen ang kanilang tagapamagitan sa pagtawag at paghingi ng tulong sa Poong Maykapal.