Ni Mary Ann Santiago
Maagang Pamasko ang good news ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga consumer nito hinggil sa pagbaba ng 38 sentimo kada kilowatt hour (kWh) sa singil sa kuryente ngayong Disyembre.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, ang pagbaba ng singil sa kuryente ay dulot ng mas mababang presyo ng kuryente at pagbaba ng singil sa generation charge, gayundin ang pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar.
Sinabi ng Meralco na mas maganda ang sitwasyon ng power grid noong Oktubre kaya nagkaroon ng reduction sa singil ngayong Disyembre.
Dahil dito, ang mga consumer na kumukonsumo ng 200kWh kada buwan ay magkakaroon ng P76 bawas sa kanilang bayarin, habang ang mga kumukonsumo ng 300kWh ay mababawasan ng P114 sa electricity bill.
Para naman sa kumukonsumo ng 400kWh, mababawasan sila ng P152, at ang mga gumagamit ng 500kWh ay may tapyas na P190.