Triple-double kay Durant; Cavs, naghabol sa panalo.

CHARLOTTE (AP) – Wala ang top scorer na si Stephen Curry, habang ipinahinga ni coach Steve Kerr si Draymond Green.

Walang dapat ikabahala ang ‘Dub Nation’, handang balikatin nina Kevin Durant at Kyle Thompson ang laban ng defending champion.

Maagang nag-init ang opensa ni Durant tungo sa unang triple-double ngayong season – 35 puntos, 11 rebounds at 10 assists – habang kumana si Thompson ng 22 puntos, tampok ang apat na three-pointer sa 101-87 panalo ng Warriors kontra Hornets nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umabot sa 26 puntos ang abante ng Warriors, 48-22, mula sa 35-10 scoring run sa kalagitnaan ng second period.

Nagawang makadikit ng Hornets sa kaagahan ng final period, ngunit muling nagbaba ng 14-3 run ang Golden States para tuluyang lupigin ang Hornets at selyuhan ang ikalimang sunod na panalo.

Nanguna si Kemba Walker sa Hornets (9-14) sa naiskor na 24 puntos, habang kumana sina Nic Batum at Dwight Howard ng 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

CAVS 101, KINGS 95

Sa Sacramento, Calif., nahila ng Cleveland Cavaliers ang winning streak sa 13 matapos ang come-from-behind win laban sa Kings.

Naisalpak ni LeBron James ang dalawang krusyal na opensa sa krusyal na sandali para tampukan ang paghahabol ng Cavs mula sa 12 puntos na bentahe, 62-48, papasok sa final period.

Naagaw ng Cavs ang bentahe sa 82-79 mula sa siyam na sunod na puntos ni Kyle Korver para makumpleto ang matikas na pagbangon ng Cleveland.

Mula sa huling pagtabla sa 95-all, naisalpak ni James ang jumper sa buzzer at nasundan ng three-pointer para sa 100-95 bentahe may 15 segundo ang nalalabi.

Kulang lang ng isang assist si James para sa ia pang triple-double sa naiskor na 32 puntos, 11 rebounds at siyam na assists para sa Cavs (18-7), habang kumana si Kevin Love ng 8 markers at 13 boards. Nag-ambag sina Jeff Green at Korver ng 17 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna si Zach Randolph sa Kings (7-17) na may 18 puntos.

SPURS 117, HEAT 105

Sa San Antonio, hataw si LaMarcus Aldridge sa naiskor na 18 puntos sa balanseng opensa ng Spurs tungo sa 117-105 panalo kontra Miami Heat.

Pitong players ng Spurs ang kumana ng double digits scores, sa pangunguna nina Bryn Forbes at Rudy Gay, na may 17 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna si Tyler Johnson sa Miami sa natipon na 25 puntos at kumana si Dion Waiters ng 22 puntos.

Nag-ambag ang balik-larong si Tony Parker sa nahugot na 10 puntos at siyam na assists.

MAGIC 110, HAWKS 106

Sa Orlando, Fla., hataw si Evan Fournier sa nakubrang 27 puntos, ngunit napinsala ang kanang paa, sa maaksiyong overtime win ng Orlando Magic kontra Atlanta Hawks.

Ratsada rin sina Aaron Gordon na may 24 puntos at 15 rebounds, gayundin si Nikola Vucevic na may 22 puntos at 16 rebounds.

Nagtamo ng sprained si Fournier, second-leading scorer ng Magic, nang mabagsakan ang paa Vucevic sa unang bahagi ng overtime.

Nanguna si Dennis Schroder sa Atlanta na may 26 puntos at pitong assists, habang kumubra sina Taurean Prince ng 19 puntos at Tyler Cavanaugh na may 13 puntos.

Sa iba pang laro, ginapi ng New York Knicks, sa pangunguna ni Courtney Lee na may 24 puntos, ang Memphis Grizzlies, 99-88; pinataob ng Milwaukee Bucks ang Detroit Pistons, 104-100; dinurog ng New Orleans Pelicans ang Denver Nuggets, 123-114.