Adams, kumasa sa panalo ng Thunder; Curry, out sa GSW.

OKLAHOMA CITY (AP) — Nakatuon ang atensyon sa ‘Big Three’ ng Oklahoma City Thunder, dahilan para maisantabi ang matikas na center na si Steven Adams.

Laban sa Utah Jazz, pinatunayan ng 7-foot center na dapat din siyang katakutan ng mga karibal.

Hataw ang Kiwi standout sa naiskor na 20 puntos at siyam na rebounds para hindi masayang ang triple-double ni Russell Westbrook sa 100-94 panalo ng Thunder nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakopo ng Thunder ang ikatlong sunod na panalo at malaki ang naiambag ng opensa ni Adams na nakapagtala ng averaged 22 puntos at 8.3 rebounds.

“That’s good, mate,” pahayag ni Adams. “Good stuff.”

Kumikig din ang dalawang bagong star ng Thunder nang kumubra si Paul George ng 21 puntos, habang kumana si Carmelo Anthony ng 14 puntos at walong rebounds.

“The reason why Steven is doing what he’s going is because of Carmelo Anthony and Paul George,” sambit ni Thunder coach Billy Donovan.

Nagsalansan si Westbrook ng 34 puntos, 14 assists at 13 rebounds para sa ikapitong triple-double ngayong season.

Nanguna sa Jazz si rookie Donovan Mitchell sa naitumpok na 31 puntos.

WIZARDS 106, BLAZERS 92

Sa Portland, Ore., naitala ni Bradley Beal ang career high para buhayin ang nanlalamig na kampanya ng Washington Wizards.

“I’ve been thinking way too much,” pahayag ni Beal, kumana ng 51 puntos sa mahigpitang panalo kontra sa Portland Trail Blazers.

Malaking pambawi ang panalo ng Wizards mula sa 116-69 kahiyayan laban sa Utah Jazz nitong Lunes. Ang naturang iskor ang ikalawang pinakalamalaking bentahe ng kabiguan sa kasaysayan ng prangkisa ng Washington.

Nanguna si Damian Lillard sa Blazers sa natipang 30 puntos, walong rebounds at siyam na assists para sa Blazers.

RAPTORS 126, SUNS 113

Sa Toronto, kumubra ng tig-20 puntos sina Kyle Lowry at DeMar DeRozan para sandigan ang Raptors laban sa Phoenix Suns sa matikas na 9-1 karta sa home record ngayong season.

Nagtamo ng injury si Suns guard Devin Booker, kumana ng season-high 46 puntos sa panalo kontra Philadelphia nitong Lunes, may 2:40 ang nalalabi sa laro.

Tumapos siya na may 19 puntos.

Nag-ambag sina Serge Ibaka na may 19 puntos at kumubra si OG Anunoby ng career high 16 puntos para sa ika-apat na sunod na panalo ng Toronto.

Samantala, hindi makakalaro si Stephen Curry sa Golden State Warriors sa loob ng dalawang linggo matapos makumpirma sa MRI exam na na-sprained ang kanang paa ng two-time MVP, ayon sa pahayag ng Warriors management.

Ayon sa pahayag, sasailalim sa pahinga at pagsusuri ang paa ni Curry. Hindi siya makalalaro laban sa Charlotte sa Miyerkules.