Nangangailangan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng karagdagang traffic enforcers upang punan ang mga posisyong binakante ng mga sinibak ng ahensiya sa serbisyo sa pagkakasangkot sa iba’t ibang kaso.

Sa nakalipas na anim na buwan, sinabi ni Roy Taguinod, hepe ng MMDA traffic discipline office, na 130 traffic enforcer ang sinibak sa serbisyo simula nang manungkulan si MMDA Chairman Danilo Lim noong Mayo ngayong taon.

“These errant traffic enforcers were involved in extortion, illegal activities while some failed to report for work and opted to go AWOL (absent without leave), automatically, they were dismissed from service,” sinabi ni Taguinod sa programa sa radyo ng ahensiya sa DZBB.

Sinabi ni Taguinod na 400 slot ang bukas para sa mga nais maging traffic personnel at mangasiwa sa trapiko sa mga kalsada sa Metro Manila.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ayon kay Taguinod, ang aplikante ay dapat na nakatuntong ng kolehiyo o nakakuha ng 72 units sa kolehiyo ng kahit na anong kurso, at pisikal na malusog.

Dapat na may taas na 5’4” pataas ang lalaking aplikante, at 5’3” naman sa babae.

“Applicants will undergo screening and rigid training for 15 days for them to develop a positive work attitude in the field,” ani Taguinod.

Ayon sa MMDA, ideyal ang 7,000 traffic enforcer para mangasiwa sa mga pangunahing intersection sa Metro Manila, pero mayroon lamang 2,000 traffic personnel ang ahensiya sa ngayon. - Anna Liza Villas-Alavaren