Ni: Mary Ann Santiago

Ang pangungulila sa misis ang tinitingnang dahilan kung bakit nagpakamatay ang 35-anyos na construction worker na sinasabing mula sa siyam na palapag na gusali sa Sta. Mesa, Manila, kahapon ng madaling araw.

Nagkalasug-lasog at nagkahiwa-hiwalay ang mga buto ni Rommel Alarcon, pintor, ng Fairview, Quezon City sa umano’y pagtalon mula sa roofdeck at bumagsak sa ground area ng IDG Building na matatagpuan sa Biyaya Street, sa Bacood, Sta. Mesa.

Sa ulat ni SPO4 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nadiskubre ng caretaker na si Rosario Abad, 62, ang bangkay ng biktima sa ground area ng IDG Building, sa pagitan ng House No. 3832 at 3834, dakong 12:30 ng madaling araw.

Eleksyon

'Babalik na sa politika!' De Lima, lead nominee ng Mamamayang Liberal party-list

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na huling nakitang buhay ang biktima na tila problemado nitong Disyembre 1, dakong 8:00 ng gabi.

Sa salaysay ng kapwa pintor na si Serdante Umbay, 37, matagal na silang magkaibigan ng biktima at kilala umano niya ito na palabiro at masayahin, kaya agad niyang napansin na matamlay ito nitong nagdaang mga araw.

Tinanong umano ni Umbay ang biktima kung bakit ito malungkot at sinabi sa kanyang hiniwalayan siya ng kanyang misis.

Pinayuhan umano ni Umbay si Alarcon na huwag masyadong dibdibin ang problema kaya hindi siya makapaniwala sa ginawa ng biktima.

Patuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.