Ni Marivic Awitan
Mga laro ngayon
(Araneta Coliseum)
11 n.u. -- UE vs NU (w)
4 n.h. -- Ateneo vs La Salle
Ateneo vs La Salle sa UAAP ‘do-or-die’ UAAP championships.
HATI ang Araneta Coliseum sa inaasahang pagsugod ng mga tagahanga at tagasuporta ng defending champion La Salle Green Archers at Ateneo Blue Eagles para saksihan ang isa pang klasikong hidwaan ng magkaribal na koponan.
Nakataya ang lahat, pati pamato’t panabla sa paghaharap ng Archers at Eagles sa winner-take-all title showdown ngayon ganap na 4:00 ng hapon.
Tangan ng La Salle ang momentum matapos makuha ang Game 2 , 92-83, para maitabla ang best-of-three title series at maipuwersa ang do-or-die game sa UAAP men’s basketball championship.
Para sa Blue Eagles malaking aral ang kanilang natutunan sa Game 2 at kumpiyansang maibabalik ang korona sa Katipunan, Quezon City.
“I guess it’s a real lesson for us na it’s not over until it’s over,” pahayag ni Thirdy Ravena, patungkol sa dominasyon ng La Salle sa Game 2.
“We had a twenty-point lead but we got complacent in the second half lalo na noong humabol sila. I feel like we weren’t tough enough to take that situation but you know that happens.”
Bugbog ang katawan matapos ang laro, nangako si Ravena na paghahandaan nila ang Archers sa krusyal na sandali.
“We just got to play tough on Game Three and I’m ready for it, we’re all ready for it,” aniya.
Para naman kay Ateneo coach Tab Baldwin, kinalimutan na nila ang nangyari noong Game 2 at focus na sila sa Game3.
“The mentality has changed already. We get rid of that loss in the locker room after the game. We move on Game 3, that’s all we think about, “ pahayag ni Baldwin.
“It’s winner takes all now.”
Tulad nang kanilang ginawa noong Game 2, hindi rin basta -basta itataas ng Green Archers ang puting bandila lalo pa ngayong patas na ang tsansa nila upang manalo.
Ayon kay Green Archers skipper Kib Montalbo, inaasahan niyang natanim sa isip ng kanyang mga teammates ang kanyang sinabi na kahit ano pang sitwasyon ang kanilang kaharapin at ibigay ng Blue Eagles, kailangan lamang nilang manatiling lumalaban bilang isang team.
“I just told them to never give up. Whatever circumstances na ibibigay sa among, just stick it out as a team, “ ani Montalbo.
“We worked for ten or 11 months for this, tapos itatapon lang namin? No way! We will fight until the end. “Inaasahan ni Ravena na makakabalikat niya para sa misyong tapusin ang kanilang limang taong title drought sina Aaron Black, Chibueze Ikeh at ang mga kakamping mistulang nalunod sa endgame noong Game 2 na sina Mike at Matt Nieto, Anton Asistio, Vince Tolentino at Isaac Go.
Sa kabilang dako, muli namang tutugon sa hamon ni Montalbo ang mga teammates na sina Ben Mbala, Ricci Rivero, Andrei Caracut, Santy Santillan at Justine Baltazar.