Ni: Ali G. Macabalang

COTABATO CITY – Ang limang-buwang krisis sa Marawi City, na ikinasawi ng mahigit 1,000 katao at nagdulot ng matinding pagkawasak sa siyudad sa pakana ng mga terorista, ay “not for ideology, but money.”

Ito ang naging pag-aanalisa ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Vice Governor Haroun Al-Rashid Lucman, tubong Marawi City at kilalang personalidad mula sa dalawang prominentang angkan ng mga pulitikong Maranao sa Lanao del Sur.

Sinabi ni Lucman na ang kanyang taya ay batay sa paunang ebalwasyon ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ARMM, na kasalukuyan niyang pinamumunuan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“As it appeared in our preliminary field appraisals, the Marawi siege (perpetrators) were not principally motivated by their so-called Islamic ideology, but (by) desire for money and resources (needed in) sustained operations,” sinabi ni Lucman sa mga mamamahayag sa pagdiriwang kamakailan sa ika-28 anibersaryo ng rehiyon.

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Lucman, bagamat kinumpirma niyang nanloob ang mga terorista, sa pangunguna ng magkapatid na Abdullah at Omar Maute, at ng Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon, sa mga sangay ng Land Bank of the Philippines at Philippine National Bank sa Marawi sa mga unang araw ng pagkubkob ng Maute Group sa lungsod.

Napabalitang pinasok din ng mga terorista ang mga bahay ng mga kilalang nagpapautang sa siyudad at sinimot ang pera sa mga nasabing establisimyento.

Ang aabot sa P80-milyon cash at mga tseke na nadiskubre ng militar noong Hunyo mula sa isa sa mga bahay na inokupa ng mga terorista ay bahagi umano ng ninakaw ng Maute, ayon sa sources.