CLEVELAND (AP) – Kinarga ni Kevin Love ang opensa ng Cavaliers matapos mapatalsik sa laro si Lebron James tungo sa 108-97 panalo kontra Miami Heat nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Hataw ang Cleveland sa naiskor na 35 puntos sa first quarter bago sinundan ng 40 puntos sa second para sa ikasiyam na sunod na panalo sa 21 laro.
Ratsada si Love sa natipang 38 puntos, habang kumana si LeBron James ng 21 puntos, 12 rebounds,anim na assists at limang steals bago napatalsik sa laro bunsod ng dalawang technical fouls.
Nag-ambag si Dwyane Wade ng 17 puntos mula sa 8 of 16 shooting, habang kumubra si JR Smith ng 12 puntos.
Nanguna sa Heat, natuldukan ang winning streak sa tatlo, si Dion Waiters na may 21 puntos, at humugot si Bam Adebayo ng 19 puntos.
SUNS 104, BULLS 99
Sa Chicago, bumira si Devin Booker ng 33 puntos matapos ipahinga bunsod ng pamamaga ng paa, para sandigan ang Phoenix Suns kontra Bulls.
Kumana si Booker ng limang three-pointer, ngunit higit niyang ibinida ang blocked kay Kris Dunn sa krusyal na sandali kung saan abante lamang ang Suns ng limang puntos.
“That’s crunch time, so whatever I had to do to win,” pahayag ni Booker.
Nagsalansan si T.J. Warren ng 25 puntos, habang kumana si Alex Len ng 13 puntos at career high 18 rebounds.
“I’m proud of this team,” sambit ni Booker.”We fought hard tonight. A lot of energy, talking on defense. Things that we needed to be working on, we did today.”
Lungayngay ang Bulls sa kartang 3-16.
Nanguna si Justin Holiday sa Bulls sa career-high anim na 3-pointers para sa 25 puntos.
BUCKS 112, KINGS 87
Sa Sacramento, kumawala si Giannis Antetokounmpo sa depensa ng Kings para maitumpok ang 32 puntos sa panalo ng Milwaukee Bucks.
Kumana rin si Eric Bledsoe ng 21 puntos, limang assists at limang rebounds, habang tumipa si Khris Middleton ng 12 puntos para sa Bucks.
Ito ang ikawalong laro ngayon season na nagawang makaiskor ni Antetokounmpo ng 30 puntos o higit pa.
Hataw sa Kings sina Garrett Temple at Buddy Hield na may 17 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Malayo sa kanilang laro kontra sa Golden States nitong Lunes, malamya ang simula ng Kings at hindi nakaporma sa bilis ng Bucks.
JAZZ 106, NUGGETS 77
Sa Salt Lake City, ginapi ng Utah Jazz, sa pangunguna ni Derrick Favors na may 24 puntos, ang Denver Nuggets.
Nag-ambag si rookie Donovan Mitchell ng 16 puntos sa ikatlong sunod na panalo ng Utah, at kumubra si Ricky Rubio ng 13 puntos.