MAYROON nang daan-daang aksidente at aberya ang naitala sa Metro Rail Transit (MRT) sa nakalipas na mga taon, kasama na ang mga napeperhuwisyong biyahe na nagdudulot ng mahahabang pila ng mga pasaherong naghihintay na makasakay, subalit kakaiba at hindi inaasahan ang nangyari noong nakaraang linggo.
Nitong Martes ng hapon, isang babaeng kabababa lang sa tren ang nahulog sa platform patungo sa riles sa Ayala Station. Nahagip ng coupler na nagdurugtong sa dalawang bagon ang kanyang braso at naputol ito. Masuwerte namang nagtagumpay ang mga doktor sa kalapit na Makati Medical Center sa pagkakabit muli sa kanyang braso nang operahan siya kinabukasan.
Makalipas ang dalawang araw, Huwebes ng umaga, nang makalas ang huling dalawang bagon ng tren na patungong hilaga habang bumibiyahe sa pagitan ng Ayala at Buendia Stations. Mahigit 100 pasahero ang napilitang maglakad sa rilespabalik sa terminal sa Ayala.
Nang magsagawa ng pagdinig si Senator Grace Poe, chairwoman ng Senate Committee on Public Services, sa kasalukuyang administrasyon, inirekomenda niya ang paghahain ng mga kasong graft laban sa ilang opisyal ng Department of Transportation and Communication (DoTC). Subalit kamakailan lamang, sa ilalim ng administrasyong Duterte, aktuwal na naihain ang mga kaso sa Office of the Ombudsman laban sa dating kalihim ng kagawaran na si Joseph Emilio Abaya at 10 iba pang opisyal kaugnay ng P3.8-bilyon maintenance contract sa Busan Universal Rail, Inc.
Matapos ang dalawang magkasunod na insidente sa MRT, nanawagan ang senador sa Department of Transportation (DOTr) na magpasya na kung dapat nang suspendihin pansamantala ang operasyon ng MRT. Sinabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade na hindi maaaring ipatigil ng kagawaran ang operasyon ng MRT dahil labis na maaapektuhan ang 500,000 pasahero na araw-araw na sumasakay sa tren papasok sa trabaho o eskuwelahan. Gayunman, tiniyak ng DOTr na nagsimula na ang kanilang imbestigasyon. Kasabay nito, ginagawa ng MRT technical team ang lahat ng makakaya nito upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ng MRT.
Sinimulan na ang imbestigasyon. Nakatuon ito sa pagtukoy sa paglalaho ng “Messma card” kung saan naka-record ang lahat ng human interventions sa mga bagon ng MRT—gaya ng “blackbox” ng eroplano—upang malaman kung paanong nangyaring kumalas ito. Maaari itong makumpirma ang anggulo ng sabotahe. O mabunyag ang kapalpakan ng pangasiwaan. O problema sa pagmamantine sa tren at mga bagon nito.
Hayaan nating magsagawa ng pagsisiyasat ang DOTr at MRT tungkol sa pagkalas ng bagon nitong Huwebes. Gayunman, mahalagang alam nila na nakatutok sa kanila ang paningin ng lahat. Marapat na gawin nila ang lahat upang matiyak ang kaligtasan ng libu-libong pasahero na umaasang magtutuluy-tuloy ang serbisyo ng MRT.