Patay ang isang lalaki, na suspek sa child abuse at panghihipo, nang aksidenteng mabaril sa ulo ng pulis na umaresto sa kanya at tinangka niyang agawan ng baril sa Barangay Rosario, Pasig City, nitong Linggo.

Isang tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ni Paolo Nel Pabale, 31, ng Buena Compound, Cainta, Rizal matapos na aksidenteng pumutok ang baril na tinangka niya umanong agawin mula kay PO1 Rey Pacis, na nakatalaga sa Pasig City Police-Police Community Precinct 6 (PCP-6).

Batay sa ulat ni SPO3 Romeo Tanguilan na nakarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula, nabatid na dakong 9:00 ng gabi nitong Linggo nang mangyari ang insidente sa Dr. Sixto Antonio Avenue sa Bgy. Rosario.

Nauna rito, dakong 7:30 ng gabi ay nagtungo sa tanggapan ng PCP-6 sa Ortigas Avenue Extension ang isang ginang na nagsabing hinipuan umano ni Pabale ang maselang parte ng katawan ng kanyang pitong gulang na anak na babae, habang isang dalagang taga-Summer Happy Homes sa Antipolo City ang nagsabing hinipuan din siya ng suspek sa dibdib.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at nagtungo sa Kutsaron KTV bar sa Ortigas Avenue Extension upang arestuhin ang suspek, na noon ay umiinom ng alak sa establisimyento at nanggugulo.

Matapos ang maikling interogasyon, dadalhin na sana ng mga pulis si Pabale sa Pasig City General Hospital upang ipa-medical examination ngunit tinangka umano nitong agawin ang baril ng katabing si PO1 Pacis habang sakay sila sa mobile car.

Nag-agawan umano sa baril ang dalawa hanggang sa pumutok ito at tinamaan ng bala sa ulo ang suspek. - Mary Ann Santiago