BALIK sa Philippine Team. Balik din ang tikas ni Marian Jade Capadocia.

Nakumpleto ng 22-anyos na dating Philippine No.1 at pambato ng San Carlos City, Negros ang dominasyon sa women’s open division nang gapiin si Clarise Patrimonio, 6-3, 6-4, nitong Linggo para makopo ang Philippine Columbian Open title sa PCA courts sa Plaza Dilao, Paco.

capadocia copy

Mabagsik sa kanyang baseline game, hindi pinaporma ng Arellano University mainstay ang mahigpit na karibal mula sa National University sa loob ng isang oras at 20 minuto tungo sa kanyang ikalimang PCA title, kabilang ang back-to-back noong 2011 at 2012. Ito ang ikatlong kampeonato niya ngayong season.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

“I’m just so happy for winning the title again after two years. It’s like I’m winning my first crown again. My hard work really paid off,” pahayag ni Capadocia, nabigong makasama sa National Team na sumabak sa nakalipas na SEA Games sa Kuala Lumpur matapos na makabanggaan ang deputy secretary general ng tennis association na si Romeo Magat.

“Tapos na po iyon. Siguro naman po napatunayan ko na deserving naman ako sa National Team,” sambit ni Capadocia na naibalik sa RP line-up nito lamang Oktubre.

Bunsod nang naturang isyu, nagdesisyo si Capadocia na sumabak na lamang sa mga torneo sa abroad sa tulong ng ilang pribadong sektor at pamilya, dahilan para madomina ni Patrimonio, anak ni dating PBA superstar Alvin, ang torneo noong 2015 at 2016.

“She’s really good. I just stayed patient during the whole game especially during long rallies,” sambit ni Capadocia, No.1 player ng Arellano sa pagsagupa sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) tennis tournament sa Disyembre.

Naibulsa ni Capadocia ang prestihiyosong tropeo at P50,000 premyo sa torneo na itinataguyod ng Asiatraders Dunlop, Stronghold Insurance, Whirlpool/Fujidenzo, Head, United Auctioneers, Pearl Garden Hotel, Babolat, Tyrecorp Inc., PVL Restaurant, Greenfield Marketers One, Mary Grace Foods Inc., Coca-Cola Philippines-FEMSA, Kraut Art Glass, Manuel Misa at lawyer Antonio Cablitas.

Nakopo naman ni International Tennis Federation (ITF) juniors campaigner John Bryan Otico ang men’s title nang gulatin ang defending champion na si Patrick John Tierro, 6-4, 6-3, 3-6, 3-6, 6-4.

“I just can’t explain how I feel right now. It was a good run especially beating the defending champion and winning this whole thing,” pahayag ng 18-anyos na si Otico.

Sa juniors play, ginapi ni John Renest Sonsona si Cenon Gonzales Jr., 6-2, 4-6, 6-1, sa boys’ 18-under title, habang nagwagi si Arianne Nillasca kontra Bea Gomez, 6-0, 6-0, para sa girls’ 18-under crown.